
TUWING mayroong National and Local Elections, walang mabuting idudulot sa ating kapaligiran kundi lalo pang ang pagkakalat ng basura ang nagiging resulta at magiging malaking suliranin sa bansa.
Nasanay tayo sa maruming kapaligiran tuwing campaign season at puno ng basura sa araw ng eleksyon dahil ito’y naging bahagi ng ating demokrasya. Ang mga taong nagnanais na manungkulan ay dapat maging mabuting halimbawa sa darating na election.
Ang malawakang pagkakaroon ng basura tuwing panahon ng kampanya ng mga politiko ay palaging maling suliranin na dapat na bigyang lunas ng pamahalaan sa tuwing dumarating ang ganitong mga pangyayari.
Ito ay sa kabila ng pagkakaroon ng nasyonal at lokal na mga regulasyon tulad ng pagpupuwesto sa dapat lamang na campaign areas na ipinag-uutos ayon sa batas ng Commission on Election.
Pinalawig ng Commission on Elections (COMELEC) ang palugit para sa mga kandidato na alisin ang kanilang mga campaign materials matapos ang 2025 National at Local Elections mula sa dating mas maikling panahon ay ginawang limang araw.
Kinumpirma ni COMELEC chairperson George Erwin Garcia na ang bagong palugit ay bilang tugon sa mga reklamo mula sa mga kandidato at lokal na pamahalaan hinggil sa hirap ng agarang paglilinis at nauunawaan ng komisyon na mahirap para sa mga kandidato na agad-agad linisin ang lahat ng campaign paraphernalia.
Ayon sa kanya, ang desisyong ay pagkilala sa lawak ng logistical challenges ng pagbabaklas ng libo-libong posters, tarpaulins, at banners na nakakalat sa iba’t ibang panig ng bansa. Iginiit din ni Chairperson Garcia na kahit may mga tauhang magmo-monitor ng compliance, hindi tungkuling ng Comelec ang magtanggal ng mga materyales at nasa mga kandidato pa rin ang responsibilidad, panalo man sila o hindi.
Sabi pa ni chairperson Garcia, bahagi ito ng tinatawag na “election defense,” o ang mas malawak na kampanya upang mapanatili ang kaayusan at integridad ng proseso ng eleksyon.
Nagbabala ang COMELEC na ang mga hindi susunod sa itinakdang palugit ay maaaring patawan ng kaukulang parusa.