MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Provincial Health Office (PHO) ng Capiz ang unang kaso ng monkeypox o mpox sa lalawigan, matapos magpositibo sa pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine ang isa sa pitong hinihinalang kaso.
Ang pasyente ay naka-home isolation at kasalukuyang nagpapagaling.
Patuloy ang pagmamanman sa mga nakasalamuha ng pasyente. Nakikipag-ugnayan na rin ang PHO sa 17 lokal na health offices, limang pampublikong ospital, at Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs) upang bantayan ang mga posibleng bagong kaso.
Pinayuhan ng provincial government ang publiko na huwag mag-panic at sundin ang mga health protocol lalo na ang tamang paghuhugas ng kamay.
Ang mpox ay naipapasa sa pamamagitan ng direktang contact sa likido ng katawan o balat ng taong may sakit, gaya ng pagdikit sa pantal o sugat.
Ayon sa World Health Organization, sintomas ng mpox ay lagnat, pananakit ng ulo, panghihina, pananakit ng katawan at likod, pamamaga ng kulani, at pagkakaroon ng pantal o sugat sa balat.
Wala pang lunas para sa mpox sa bansa, at hindi pa rin available ang bakuna kontra rito. Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, ang mga pasyente ay bibigyan ng paracetamol, gamot sa kati, at aalagaan ang kanilang mga sugat. Para sa may mga karamdaman, maaaring bigyan ng antiviral na gamot. RNT