Nagpalitan ng panibagong mga pag-atake ang Iran at Israel nitong Sabado ng madaling araw, kasunod ng pahayag ng Tehran na hindi ito makikipagnegosasyon sa nuclear program habang patuloy ang banta sa kanila.
Dakong 2:30 a.m., nagpalabas ng babala ang militar ng Israel tungkol sa mga paparating na missiles mula Iran, na nagpatunog ng air raid sirens sa Tel Aviv at ilang bahagi ng West Bank.
Na-intercept ang ilang missiles ngunit nagdulot ng sunog ang mga debris sa isang gusali sa lungsod. Wala namang naitalang nasawi sa panig ng Israel sa bagong atake.
Bilang ganti, muling binomba ng Israel ang mga pasilidad ng missile storage ng Iran, kabilang na ang umano’y research center para sa armas nuklear.
Ayon sa isang human rights group sa U.S., nasa 639 na ang nasawi sa Iran—kabilang ang mga opisyal ng militar at siyentipikong sangkot sa nuclear program. Sa panig naman ng Israel, 24 na sibilyan ang naiulat na namatay dahil sa Iranian missiles.
Samantala, sinabi ni Iranian Foreign Minister Abbas Araqchi na hindi sila makikipag-usap sa Amerika hangga’t hindi tumitigil ang mga opensiba ng Israel. Sa Geneva, nakipagpulong siya sa mga European leaders, ngunit walang konkretong resulta ang mga pag-uusap.
Nagbabala si Pangulong Donald Trump na posibleng pumasok ang U.S. sa giyera pabor sa Israel sa loob ng dalawang linggo, depende sa magiging takbo ng mga kaganapan.
Patuloy ang paglikas ng mga Amerikano mula Iran, ayon sa ulat ng U.S. State Department. Sa UN, iginiit ng Israel na hindi sila titigil hanggang hindi nabubuwag ang banta ng nuclear weapons ng Iran. Humiling naman ang Iran ng tulong mula sa Security Council, habang nananawagan ng de-escalation ang Russia at China. RNT