MANILA, Philippines – Sinabi ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David noong Lunes na dapat kumilos ang gobyerno sa online gambling sa bansa.
“Wala na yatang mas titindi pang kabaliwan kaysa sa ahensya ng gobyerno na kunwaring nababahala sa ilegal na offshore gambling, samantalang ginawa namang legal ang online gambling dito mismo sa bayan natin — kumpleto, todo-todo, walang hiya. Bukas sa lahat, sa bata o matanda, 24 oras kada araw, pitong araw kada linggo,” saad niya sa kanyang Facebook post.
“Sino pa ang magtitiis pumuslit sa mga casinong pang-mayaman kung kahit sino puwede nang magsugal habang nakahiga sa sala, sa kwarto, sa bulsa ng bata — sa liwanag ng cellphone?” dagdag pa niya.
Tinawag din ni David ang mga influencer at celebrity na nag-eendorso ng online gambling bilang “pushers.”
“Nagpapaupa bilang pushers, tagapagtulak ng pasugalan ng mga bilyonaryong walang konsensya. Nilalambat ang mga inosente at desperado sa malawak na digital na dagat ng sugalan,” aniyaniya.
Ayon sa mga report nitong Martes, naghain si Senador Sherwin Gatchalian ng panukalang batas na naglalayong magpataw ng mahigpit na regulasyon para sa online gambling.
Sinabi ni Gatchalian na ang pagpapataw ng mga regulasyon ay mas makabubuti dahil ang kabuuang pagbabawal sa online gambling ay maaari lamang humantong sa mga underground operations.
Kung maipapasa sa batas, ang panukala ay mangangailangan ng biometrics upang matiyak na ang manlalaro ay nasa tamang edad.
Dagdag pa, ang panukalang batas ay magre-regulate ng mga advertisement sa online gambling at hindi na papayagang mag-endorso ang mga celebrity sa mga naturang platform. RNT/MND