NAVOTAS, Philippines – Sinimulan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Martes, Hulyo 1 ang demolisyon sa river wall na nawasak sa Barangay San Jose, Navotas City.
Sa nangyaring insidente ng pagkawasak ng river wall noong nakaraang linggo, nagdulot ito ng matinding pagbaha at pagpapalikas sa mga pamilyang nakatira dito.
Ayon sa MMDA ay kailangang tibagin ang mga bahay na direktang nakadikit dito, upang ito ay tuluyang tanggalin at palitan ng mas matibay at mas makapal na barrier.
“Ang aming suggestion dito, maglagay ng sheet pile. Itong sandbag po, temporary lang po kasi ito. Anytime ‘pag tumaas ang tubig o magkaroon ng high tide, may posibilidad na maagos din ‘yan,” pahayag ni Francis Martinez, director ng MMDA Health, Public Safety, and Environmental Protection Office.
Nauna nang sinabi ni Navotas City Disaster Risk Reduction and Management Office head Vonne Villanueva na ang mga residente lamang na ang mga bahay ay itinuturing na ligtas ng mga city engineer ang papayagang makabalik.
“I-evaluate po natin sa City Engineering Office iyong safe area at saka unsafe area. Iyong safe area po na pwede po natin pabalikin iyong ating mga kabarangay na nasa evacuation site,” ayon kay Villanueva, kasabay ng inspection noong Hunyo 30.
Mula sa 79 na pamilyang unang tumuloy sa evacuation site noong Lunes, Hunyo 30, lima na lamang ang natitira sa barangay hall, ang mga kasalukuyang nasa ilalim ng demolisyon.
Samantala, ang MMDA, sa pakikipag-ugnayan sa Navotas LGU at isang pribadong kontratista, ay magpapatuloy sa pagtatayo ng bagong protection wall sa mga darating na araw, na i-maximize ang low tide window hanggang Hulyo 8 para makumpleto ang kritikal na groundwork. RNT/MND