MANILA, Philippines – Lumipad na patungong Rome, Italy si Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David nitong Huwebes ng umaga, Abril 24, para dumalo sa libing ni Pope Francis.
Sa Facebook post, naglabas ng mga larawan ang Diocese of Kalookan kung saan si David ay nasa paliparan na dala ang kanyang mga bagahe.
“Off he goes—Cardinal Ambo on his way to pay his final respects to Pope Francis. A quiet moment, but filled with so much meaning,” sinabi ng Diocese of Kalookan.
“Let’s continue to pray for the soul of our beloved Holy Father, and for all our Cardinals—especially Cardinal Ambo—as they carry on the mission of hope and service,” dagdag pa.
Bukod sa pagdalo sa libing ni Pope Francis, inaasahan din na lalahok si David sa conclave o papal election.
Sa ngayon ay may tatlong Filipino cardinal ang maaaring makabahagi sa general congregation ng cardinals, ito ay sina David, Cardinal Luis Antonio Tagle, at Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.
Matatandaan na inanunsyo ng Vatican ang pagpanaw ni Pope Francis noong Lunes sa edad na 88. RNT/JGC