MANILA, Philippines – Ikinabahala ng National Security Council (NSC) ang mga posibleng indikasyon ng posibilidad ng pakikialam ng China sa halalan sa Pilipinas sa Mayo.
Sa Senate hearing tungkol sa nadiskubreng submersible drones sa bansa at posibleng pang-eespiya, sinabi ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya na, “There are indications that information operations are being conducted that are Chinese state sponsored in the Philippines and are actually interfering in the forthcoming elections.”
Ang tugon ni Malaya ay sagot sa tanong ni Senate Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zones chairperson and Majority Floor Leader Francis Tolentino.
“So ang ibig sabihin nito may mga ongoing operations ang China para suportahan yung mga kandidatong gusto nilang manalo? Yun ang diretsong tanong ko. At kontrahin naman yung mga kandidatong ayaw nilang manalo?” tanong ni Tolentino.
“Yes, there are indications of that,” sagot ni Malaya.
“Itong mga ganitong pangyayari hindi ito naiintidihan kaagad ng sambayanan dahil ito’y nakahalo na sa social media. Hindi mo na alam kung alin dito yung totoo,” tugon naman dito ni Tolentino.
“That’s correct,” ani Malaya.
Anang opisyal, naobserbahan nila ang ilang mga ‘narratives’ mula sa Beijing na ikinakalat naman ng third party individuals o local proxies dito sa Pilipinas.
Isa na rito ay ang nagpapatuloy na Balikatan exercises.
“You will see narratives coming from Beijing that the Balikatan Exercises is a threat to regional peace and stability and you’ll also hear that kind of statement coming from local proxies who follow the script coming from Beijing,” ani Malaya.
Idinagdag pa niya na natukoy na ng NSC ang mga local proxy na ito. RNT/JGC