MANILA, Philippines – Arestado ng mga awtorida sa Bukidnon ang hinihinalang miyembro ng teroristang grupo na sangkot sa pagsunog ng simbahan at ilang mga tirahan noong 2020.
Sa pahayag ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), kinilala ang suspek na si Christopher Batnan, na naaresto ng Misamis Oriental at Camiguin provincial field units sa Barangay Tikalaan, Talakag, Bukidnon noong Abril 20.
Ayon sa CIDG, wanted ang suspek sa paglabag sa Republic Act (RA) 9851 sa umano’y pagsunog ng simbahan at mga tirahan noong 2020.
“He is tagged as the Number 5 regional most wanted person of Police Regional Office 10,” sinabi ng CIDG.
Matatandaan na noong Mayo 28, 2020, pumasok ang mga miyembro ng Communist Party of the Philippines at armed wing, New People’s Army (CPP-NPA), sa bahay ng isang pastor at sinunog ang bahay nito at ang simbahang kanyang pinaglilingkuran, kasama ang dalawa pang kalapit-bahay.
“The act of burning civilian houses was the CNTs’ (CPP-NPA terrorists) deceptive tactic to divert the attention of the pursuing government troops and the community. This is to cover their escape from the continuous military pursuit operation,” saad ng CIDG.
“The CNTs intentionally directed attacks against civilian population and intentionally attacked civilian objects — a blatant violation of RA 9851,” dagdag pa.
Naghain ng reklamo ang CIDG Misamis Oriental provincial field unit ng kasong paglabag sa RA 9851 laban kay Batnan at iba pang hinihinalang miyembro ng CNT, na nagresulta sa warrant of arrest na inisyu noong Enero 17, 2022. RNT/JGC