Nanawagan si Cardinal Pablo Virgilio David sa mga Pilipino na iwan ang pagtatago at aktibong hanapin ang katotohanan at pag-asa, sa kanyang homiliya ngayong Linggo ng Pagkabuhay sa Diocesan Shrine and Parish of the Immaculate Conception sa Malabon City.
Ayon kay Cardinal David, na siya ring pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), ang Salubong—isang tradisyong isinagawa tuwing madaling araw upang gunitain ang pagtatagpo ng muling nabuhay na Kristo at ng Mahal na Birheng Maria—ay isang makapangyarihang simbolo ng espirituwal na pagkagising ng bawat mananampalataya.
“If you truly wish to meet the Risen Lord, you have to step out. You have to come out of hiding. You have to walk into the light,” ani Cardinal David.
Ipinaliwanag niya na ang Salubong ay paalala na lampasan ang kadiliman ng kalungkutan at yakapin ang liwanag ng pagkabuhay ni Kristo. Tinukoy din niya ang imahe ni Maria Magdalena na natatakpan ng itim sa unang bahagi ng ritwal—isang simbolo ng dalamhati at espirituwal na pagkabulag dulot ng sakit at pangungulila.
Ikinonekta ni Cardinal David ang konseptong ito ng espirituwal na pagkabulag sa kasalukuyang kalagayan ng bansa, kung saan aniya’y mahalagang manatili ang mga mamamayan—lalo na ang kabataan—na nakaangkla sa katotohanan at may malinaw na layunin.
Bilang pagtatapos ng kanyang mensahe, pinaalalahanan ni Cardinal David ang mga mananampalataya na ang huling kaloob ng Muling Pagkabuhay ay ang pagdating ng Banal na Espiritu—isang biyayang nagbubuklod sa mga tao sa pag-ibig at nagbibigay ng pag-asa, kahit sa gitna ng pisikal na pagkawala ni Kristo. Jocelyn Tabangcura-Domenden