MANILA, Philippines- Naniniwala ang dalawang co-chairs ng House Quad Committee na si Cassandra Ong, ang authorized representative ng Lucky South 99, ay isang business “dummy.”
Itinanggi ni Ong ang pagiging “dummy” sa Quad Comm hearing noong Miyerkules, at sinabing isa lamang siyang investor sa Whirlwind, ang real estate company na nagpaupa ng property nito sa illegal POGO hub ng Lucky South 99 sa Porac, Pampanga.
Subalit, sinabi ni House Committee on Dangerous Drugs Chairperson and Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers na malabo ang source of funding ni Ong para sa kanyang umano’y investments.
“Naniniwala ako na dummy lang ito. Number one, hindi clear ang source ng funds niya. Sabi niya, siya ay isang investor. Kung ito man ay galing sa kanyang boyfriend na may so much funds, baka doon galing ito. But again, the question, kaya ko naisip na maaaring dummy lang ito, because for her age, 24, 25 years old. Having that much funds to operate a real estate project in that part of Pampanga, medyo there’s a doubt in me na parang imposible siguro ‘yun,” paliwanag ng mambabatas.
“I am not discounting the fact that the money could have come from her boyfriend or somebody else na nilagay sa kanya to comply with the 60-40 prohibition ng Constitution, nilagay muna sa pangalan niya. Kung kanino galing, ‘yun ang dapat natin malaman. Kaya ako naniniwala dummy siya,” dagdag ni Barbers.
Ganito rin ang paniniwala ni House Committee on Public Order and Safety Chairperson and Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez.
“Paano mo mafi-feel na hindi siya dummy, kung ang perang dumaan sa kanya ay milyun-milyon, daang milyon. And even the Whirlwind corporation, ang property nila is almost P2.5 billion… Wala pa diyan ‘yung kinita ng Lucky South 99 na hundreds of millions as well. Saan nanggaling ‘yun? Nagbayad ka ba ng income tax… We also need to find out kung ano ang income o work ng parents, para sabihin na nagkaroon siya ng ganoong kalaking pera. Makikita natin na talagang nagsisinungaling ‘yung bata,” aniya.
Balik-normal na ang lebel ng blood pressure ni Ong matapos ma-admit sa isang ospital mula Miyerkules, nang bumaba ang kanyang blood pressure sa kasagsagan ng quad comm hearing. RNT/SA