MANILA, Philippines- Hiniling ni Cassandra Ong, ang documented representative ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) firm Lucky South 99, sa House Quad Committee na payagan siyang magkaroon ng kasama habang nakakulong.
“This is a letter request from Ms. Cassie (Cassandra Ong) requesting [us] to allow her friend to stay with her at the CIW (Correctional Institute for Women),” paglalahad ni Abang Lingkod party-list Representative Stephen Paduano sa Quad Comm proceedings na natapos ng lampas ala-1 ng madaling araw nitong Biyernes.
“And the basis of this is she’s suffering from severe mental breakdowns and anxiety attacks and currently in a state of severe depression,” dagdag ng mambabatas.
Nakakulong si Ong mula nang ma-contempt ng QuadComm dahil sa patuloy nitong pagtangging isumite ang Lucky South 99 documents at iba pang kaugnay na papeles na hinihingi ng panel.
Inihayag ni Antipolo Representative Romeo Acop na dapat munang kumonsulta ng QuadComm sa CIW authorities upang matiyak na alinsunod sa mga alituntunin ang nasabing kahilingan.
Sinang-ayunan naman ni Paduano ang opinyon ni Acop.
“Pending verification with the CIW, with regards to their protocol, pag okay sila, go na natin. Kaysa naman mag-hearing pa tayo for this matter, Mr. Chairman, or wait for the next hearing,” wika ni Paduano.
Naglatag naman ni Santa Rosa, Laguna Rep. Dan Fernandez ng mosyon na magpadala ng House medical team sa CIW upang suriin ang kalusugan ni Ong.
Sinang-ayunan naman ng mga miyembro ng QuadComm sa pangunguna ni chairperson at Surigao del Norte Rep. Ace Barbers na pairalin ang posisyon ng CIW sa hirit ni Ong.
“In that case, I would like to ask the committee secretariat to closely coordinate with the CIW. When the CIW replies and allows that a detainee be accompanied by a friend, then the committee will already allow a friend to accompany Ms. Cassandra Ong,” sabi ni Barbers.
Hinala ng QuadComm, si Ong ay “dummy” lamang para sa Lucky South 99 sa paulit-ulit nitong pagtanggi na ipakita ang mga dokumento ng kanyang pinagkakakitaan. RNT/SA