ISANG napakaimportanteng desisyon ang inilabas ng Regional Trial Court sa Capas, Tarlac. Sa kabila ng patuloy na tangkang pag-takeover ng Bases Conversion and Development Authority at ng subsidiary nitong Clark Development Corporation, ipinakita lamang ng korte ang tunay na katarungan sa pamamagitan ng pagbibigay ng Writ of Preliminary Injunction sa Metro Clark Waste Management Corporation, ang operator ng Kalangitan Sanitary Landfill sa nasabing bayan.
Klaro ang pahayag ng Capas court—hindi basta-basta maaaring tanggalin ang Metro Clark mula sa maayos na pamamahala nito sa landfill hanggang sa magkaroon ng pinal na desisyon sa kaso. Umabot man ito hanggang Supreme Court.
Ang kontrata ng Metro Clark para sa lupang kinalalagyan ng landfill ay hanggang Year 2049 subalit may hangarin ang CDC na sapilitang kunin ito kahit wala namang malinaw na basehan.
Dahil dito, inaasahan na, bago pa man ang paglabas ng desisyon, ang pagpanig ng hukuman sa Metro Clark para mapigilan ang puwersahang pagpasok at pagsakop ng CDC sa landfill. The court found reason to believe na may risk na CDC will use force to eject Metro Clark kaya nagbigay ito ng Writ of Preliminary Injunction hanggang maresolba ang mga isyu mula sa mababang hukuman, Court of Appeals, at hanggang kataas-taasang hukuman.
Hindi rin kasi maipagkakaila ang takot at pangamba ng mga empleyado at manggagawa ng Metro Clark dahil sa mga pagbabanta ng CDC nang hindi isinasaalang-alang ang mga prosesong ligal at batayang karapatan. Syempre, mawawalan din sila ng trabaho, biruin n’yo ‘yun.
Buti na lang, napigilan ang planong takeover ng CDC sa Kalangitan Sanitary Landfill. Dahil kung hindi, naku, sa gitna ng mga pag-ulan at kawalan ng kahandaan ng ibang waste facilities, siguradong mapapahamak ang kaligtasan, kalusugan, at kalinisan ng mga komunidad sa Central Luzon at North Luzon. Napakalaking problema kung mawawala ang serbisyo ng pinakamalaking sanitary landfill sa rehiyon, lalo’t may mga hazardous waste na kailangang itapon sa tamang lugar. Hindi kayang tumanggap ng mga hazardous waste ng ibang pasilidad na nasa Pampanga. Wala pang permit ang mga ito mula sa Department of Environment and Natural Resources para sa mga hazardous waste.
Sana naman ay maging malinaw ito sa CDC—ang Kalangitan Landfill ay may malaking papel sa kalusugan at kaayusan ng maraming lugar hindi lang sa Region 3 kundi maging sa ibang panig ng bansa. Sa paghatol ng korte na nasa tama ang Metro Clark, malinaw na pinag-iingatan nito ang karapatan at kapakanan ng mga mamamayan at pati ang mga negosyo at kabuhayan. Kaya habang patuloy ang kaso, asahan na ang Metro Clark ay mananatiling tapat sa tungkulin—ang maglingkod para sa ating kapaligiran at ang matulungan si Pangulong Bongbong Marcos pagdating sa waste management na makatutulong para malabanan ang mga pagbaha.
Para naman sa CDC: Hindi ba’t mas nararapat na igalang ang karunungan ng hukuman? Huwag sanang magmadali sa pag-angkin at sana’y kilalanin ang lehitimong kasunduan sa pagitan ng Metro Clark at ng pamahalaan.