HINDI pa man nalalagdaan, excited na ang mga nagmamay-ari ng mga bahay at lupa sa Lungsod ng Maynila sa ini-anunsyo ni Mayor Honey Lacuna na magkakaloob ang lokal na pamahalaan ng dalawang taong amnestiya sa mga hindi nakakabayad ng kanilang amilyar.
Sa ilalim kasi ng ipinasang ordinansa ng Sangguniang Panlungsod, hindi na pagmumultahin o papatawan ng anomang karagdagang bayarin ang mga may-ari ng bahay at lupa sa Maynila na may pagkakautang ng malaki sa kanilang amilyar o real property tax.
Sino ba naman ang hindi magtatatalon sa tuwa sa ganito kagandang balita ni Mayora, lalo na yung may malaking multa na dapat bayaran dahil sa tagal na hindi pagbabayad ng amilyar? Sabi pa nga ng alkalde, mabilis na nai-akda nina Konsehal Jong Isip, Philip Lacuna, at Macky Lacson ang ordinansa na aprubado kaagad ni Vice Mayor Yul Servo Nieto, apat na buwan matapos lagdaan ni Pangulong Bongbong Marcos noong Hunyo 1, 2024 ang R.A. 12001 o ang “Real Property Valuation and Assessment Reform Act”.
Nakapaloob kasi sa naturang batas sa ilalim ng Article V Section 30 na pagkakalooban ng amnestiya ang mga hindi nakabayad ng amilyar ng walang multa o interes sa lahat ng pagkakautang kaya’t kaagad silang lumikha ng ordinansa para ipatupad ito sa Maynila.
Pero teka lang, bago magalak ng husto ang mga may pagkakautang sa amilyar sa napipintong pagkakaloob ng amnestiya, malinaw ang sinabi ng alkalde na bukod sa amnestiya, binibigyan din ng naturang batas ng mandato ang Maynila at iba pang local government units na ayusin ang pinaglumaan ng panahong sistema ng evaluation at assessment ng real property taxes.
Sa pamagat pa lang kasi ng bagong batas na “Real Property Valuation and Assessment Reform Act” na sabi ni Mayora ay kaagad silang tatalima sa pamamagitan ng ipinasang ordinansa, malinaw na irereporma nito ang value o halaga ng lote sa Maynila sa pamamagitan ng tamang assessment o pagtasa.
Sabi pa nga ng alkalde, makabubuti raw ito sa mga Manileño, dahil tataas ang halaga ng kanilang lote kaya kung ibebenta nila ang bahay at lupa, tiyak na maibebenta ito sa mataas na halaga at kung gagawin namang kolateral sa pangungutang sa bangko para ipagawa ang bahay, mas malaki raw ang mauutang dahil mataas na ang value ang kanilang lote.