Home OPINION DTI, NAGLALAYONG MAGKAROON NG KAAYA-AYANG PAMPUBLIKONG LUGAR SA BUONG BANSA

DTI, NAGLALAYONG MAGKAROON NG KAAYA-AYANG PAMPUBLIKONG LUGAR SA BUONG BANSA

MASAYANG ipinaalam ng Department of Trade and Industry (DTI) na susunod na taon ay magpapatupad ito ng panibagong inisyatiba na naglalayong magkaroon ng mga “malikhain at pampublikong espasyo” sa bansa kung saan maaaring magtagpo ang sining, kasanayan at espiritu ng pagnenegosyo sa antas ng komunidad.

May napiling unang 60 lungsod ang kagawaran na sisimulang pagandahin ang kanilang mga plaza. Layunin nito na gawing mga kaaya-ayang lugar ang mga plaza para sa mga lokal na talento sa sining, musika, disenyo, at mga handicrafts, maging ito man ay tradisyunal o digital, moderno o katutubo, kung saan maipapakita o maibebenta nila ang kanilang mga produkto at serbisyo.

Sa ginanap na “Fiesta Haraya id Cordillera Expo”, sinabi ni DTI undersecretary Rafaelita Aldaba ang bagong hakbang na gagawin ng kagawaran kasabay ng pagpapasalamat kung paano nakatu­long ang creative sector sa ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng  Php 1.16 trillion na gross value added (GVA) noong 2022 na tumaas ng 6.8 porsyento mula sa Php 1.47 trillion noong 2019 bago ang COVID-19 pandemic.

Saklaw ng creative economy ang larangan ng disenyo at fashion, arkitektura, advertising at marketing, digital interactive services at products, at media entertainment.

Batay sa mga datos, ang mga industriya na ito ay nagbibigay ng trabaho sa humigit-kumulang 7.26 million sa bansa.

Tatlong lungsod sa bansa ang nangungunang tagapagtaguyod ng creative economy matapos mapabilang sa listahan ng World Network of Creative Cities ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO).

Kabilang dito ang Baguio, na naging miyembro noong 2017 dahil sa katutubong crafts at folk art; Cebu, na kabilang noong 2019 dahil sa masiglang eksena ng disenyo; at Iloilo City, para sa gastronomic tourism noong 2023.

Ang  creative cities ay pinipili ng UNESCO batay sa kanilang tagumpay sa paggamit ng sining bilang isa sa mga pangunahing tagapagpanday ng lokal na ekonomiya.

Noong 2018, nag-ambag ang mga katutubong craftsmen at artisans ng 6.6 porsyento, o halagang Php 6.651 billion sa gross regional domestic product ng Cordillera Administrative Region na Php 308 billion, ayon sa 2021-2022 Baguio cultural report na sumusukat sa halaga ng kultura gamit ang mga kasangkapan ng UNESCO.

Sabi ni Undersecretary Aldaba, handa ang pamahalaan na mamuhunan sa “modernisasyon” ng mga pampublikong plaza para sa layuning ito, dahil maraming plaza ang napabayaan na sa kasalukuyan.