MANILA, Philippines – Pinuna ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) si Palace press officer Claire Castro dahil umano sa maagang pagbalewala sa panawagang ideklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang national emergency sa gitna ng krisis sa langis dulot ng tensyon sa Middle East.
Ayon sa TUCP, mali ang pagtingin ni Castro na “fear-mongering” ang kanilang panawagan. “It is alarming and unfortunate that the Palace Press Officer’s first instinct is not urgency but denial,” pahayag ng grupo.
Dagdag pa nito, “If a series of simultaneous, record-high increases in petroleum prices—while the peso is at record lows and Filipinos are already struggling—does not constitute a ‘national emergency,’ then what does the government call it?”
Nauna nang sinabi ni Castro sa isang briefing na hindi pa kailangan ang pagdedeklara ng national emergency dahil kontrolado pa umano ang sitwasyon at nakikipag-ugnayan pa ang gobyerno sa mga oil company sa pamamagitan ng Department of Energy. Hinikayat din niya ang publiko na iwasan ang “fear-mongering.”
Bilang tugon, iginiit ng TUCP na ang pagkilala sa krisis ay hindi pananakot kundi pamumuno. “is not fear-mongering but leadership. You cannot prepare for an emergency while publicly denying that one exists.”
Kalaunan, sinabi ni Castro na posible ang pagdedeklara ng national emergency kung kinakailangan, lalo na kung may mapatunayang pagsasamantala sa sitwasyon, ngunit hindi pa ito napag-uusapan sa Cabinet.
Nanawagan din ang TUCP na ipatupad ang Section 14(e) ng Oil Deregulation Law upang mabigyan ng kapangyarihan ang gobyerno na kontrolin ang oil firms sa panahon ng emergency.
Ayon sa grupo, kailangan pag-aralan ang lahat ng opsyon upang mabawasan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na lumagpas na sa ₱100 kada litro, kabilang na ang posibilidad ng price freeze at mas mahigpit na transparency sa presyo. RNT/MND