MANILA, Philippines – Binusisi ni Senator-Judge Alan Peter Cayetano nitong Lunes ang ilang butas at hindi pagkakatugma sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pagbabanta ni Vice President Sara Duterte kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa ikaapat na araw ng impeachment trial nitong July 13, sunod-sunod na tinanong ni Cayetano si NBI BARMM Regional Director Jeremy Lotoc na dating hepe ng NBI Cybercrime Division at isa sa apat na lumagda sa Affidavit of Investigation ng NBI.
Isa sa mga unang inusisa ng senador ay kung nakipag-ugnayan ba ang NBI sa Presidential Security Command (PSC), PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), at iba pang ahensya na nagsagawa rin ng sariling imbestigasyon sa umano’y banta.
Ayon kay Lotoc, hindi niya alam kung nagkaroon ng koordinasyon dahil anumang pagpapalitan ng impormasyon ay ginagawa lamang sa “need-to-know basis.”
“The problem with your answers is that kung ‘yan ang sagot mo parati, eh ‘di hindi mo inimbestigahan [ito] nang husto,” wika ni Cayetano.
“Kung inimbestigahan ninyo talaga y’ung buo at kayo ang head, bakit hindi ninyo kinausap y’ung mga ibang nag-imbestiga? Baka may alam sila na hindi [ninyo alam],” dagdag niya.
Tinukoy rin ni Cayetano ang tila salungat na naging posisyon ng NBI matapos sabihin ng mga imbestigador sa impeachment court na “absolute” ang naging pahayag ni Duterte, samantalang “conditional” naman ang nakasaad sa kanilang Affidavit of Investigation.
Napansin din ng senador ang mali sa affidavit kung saan nakasaad na naging kalihim ng Department of Justice si Duterte sa halip na Department of Education. Bagaman sinabi ni Lotoc na typographical error lamang ito, hindi ito pinalampas ni Cayetano.
“That’s not a typo (typographical error). A typo means y’ung ‘Department’ naging ‘Depart.’ ‘Department of Justice’ and ‘Department of Education’ are two different things,” wika niya.
Sa huling bahagi ng pagdinig, nilinaw rin ni Cayetano ang pagkakaiba ng dalawang alegasyon sa ilalim ng Article IV ng Articles of Impeachment.
Aniya, maaaring igiit ng prosekusyon na ang mismong mga pahayag ni Duterte ay isang impeachable offense, ngunit hiwalay na alegasyon ang sinasabing pagkuha nito ng isang assassin kaya kinakailangan itong suportahan ng sapat na ebidensya.
“They went further to say that they are alleging that she did in fact contract an assassin,” wika niya.
“That’s a conclusion of law. Because it is basic that if someone alleges that someone contracted an assassin, you have to prove [it],” dagdag niya. Ernie Reyes