MANILA, Philippines – Naglabas ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ng abiso sa mga piloto na iwasang lumipad malapit sa Mayon Volcano dahil sa tumitinding aktibidad nito.
Bawal ang paglipad mula sa ibabaw ng bulkan hanggang 11,000 talampakan simula 3:45 a.m. ng Hulyo 14 hanggang 3:12 a.m. ng Hulyo 15, 2026.
Nananatili sa Alert Level 3 ang Mayon.
Noong Martes ng umaga, nakaranas ng light hanggang moderate ashfall ang ilang bayan sa Albay matapos ang pagbuga ng bulkan mula 6:31 a.m. hanggang 6:46 a.m.
Ayon sa Phivolcs, ika-190 araw na ng tuloy-tuloy na pag-agos ng lava ng Mayon, na nagdudulot ng lava falls at pagguho ng mga bato.
Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone sa paligid ng bulkan. RNT/MDS