MANILA, Philippines – Naghain si Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson ng resolusyon para imbestigahan ng Senado ang “bill shock” kabilang ang patuloy na pagtaas ng singil sa kuryente, sa gitna ng mga pangamba sa iregularidad sa pagbabasa ng metro, at system losses na pinapasa sa consumer.
Sa Senate Resolution No. 511, hiniling ni Lacson sa kaukulang komite ng Senado na magsagawa ng imbestigasyon, in aid of legislation, upang mapalakas ang transparency, accountability, at consumer protection sa industriya ng kuryente.\
“(While) access to affordable and reliable electricity is fundamental to promoting Filipinos’ welfare, national productivity, and economic development … residential electricity rates in the Philippines are among the highest in Southeast Asia, ranking second in costs at approximately US$0.18–US$0.21 per kilowatt-hour (kWh), next only to Singapore’s average of US$0.23 per kWh, thus placing a disproportionate financial burden on Filipino families, workers, and enterprises,” ani Lacson sa kanyang resolusyon na inihain noong Lunes, Hulyo 13.
Giit ni Lacson, ang mataas na halaga ng kuryente ay naglalagay ng hindi katimbang na pasanin sa mga pamilyang Pilipino, manggagawa, at mga negosyo.
“While fluctuations in electricity prices may be attributed to supply constraints due to geopolitical tension, higher generation costs, foreign exchange rates, mandatory charges, and other market factors, it is incumbent upon the legislature to exercise its oversight function to determine whether existing regulatory mechanisms effectively protect consumers from excessive, unreasonable, or avoidable increases in electricity charges,” aniya.
Itinuro rin ni Lacson na nakasaad sa Section 9, Article II ng 1987 Constitution na tungkulin ng Estado na itaguyod ang isang makatarungang lipunan na magpapalaya sa sambayanan mula sa kahirapan sa pamamagitan ng mga patakarang magbibigay ng mas magandang kalidad ng buhay para sa lahat.
Gayunman, binanggit niya na sa nakalipas na mga buwan ay nag-ulat ang mga konsyumer ng Manila Electric Company (Meralco) ng “substantial and unexplained increases” sa kanilang mga bayarin sa kuryente, o “bill shock.”
May mga ulat din na pinahintulutan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Meralco at apat na power generation companies noong nakaraang Enero na makabawi ng P31.34 bilyon sa mga gastusin dahil sa iba’t ibang changes in circumstances (CIC), na inaasahang magreresulta sa mas mataas na singil sa kuryente simula Marso 2026.
Noong Abril, itinaas ng Meralco ang singil sa kuryente ng P0.5335 kada kilowatt-hour (kWh). Bagama’t bumaba ang singil noong Mayo, muli itong tumaas ng P0.1488 kada kWh noong Hunyo, na ipinaliwanag ng Meralco na dulot ng mataas na presyo ng kuryente sa wholesale market, pagtaas ng halaga ng fuel, at paghina ng piso.
Sa kabuuan, tumaas ang residential electricity rate ng Meralco mula P13.2730 kada kWh noong Enero hanggang P14.8261 kada kWh noong Hulyo 2026.
Bukod sa mga pagtaas na ito, sinabi ni Lacson na nagpahayag din ng pangamba ang mga konsyumer hinggil sa umano’y mga iregularidad sa meter readings, gayundin sa mga singil na kaugnay ng system loss charges, na sumasaklaw sa technical at non-technical losses sa transmission at distribution ng kuryente.
Dagdag niya, kinukuwestiyon din ng mga konsyumer ang non-technical system loss charges, partikular yaong nagmumula sa electricity pilferage sa pamamagitan ng meter tampering, illegal connections, at paggamit ng jumpers, “which are being covered by law-abiding and paying consumers.”
Sa kabilang banda, sinabi niya na iginiit ng mga consumer advocates na hindi dapat ipasa sa mga konsyumer ang system losses, dahil tila ginagantimpalaan nito ang operational inefficiency at binabawasan ang insentibo ng mga distribution utility na paigtingin ang kanilang mga hakbang laban sa electricity pilferage.
Dahil dito, giit ng resolusyon na magsagawa ng “inquiry, in aid of legislation, into the continuing increase in electricity rates with the end in view of strengthening transparency, accountability, and consumer protection in the power industry.” Ernie Reyes