Home NATIONWIDE Cayetano sa kapwa senator-judges: ‘Maging patas sa pamilya Duterte, Marcos’

Cayetano sa kapwa senator-judges: ‘Maging patas sa pamilya Duterte, Marcos’

1
0

MANILA, Philippines – Hinimok ni Senator-Judge Alan Peter Cayetano nitong Martes ang kapwa senator-judges na maging patas at maingat sa pagbubuo ng konklusyon sa mga naunang pahayag ng mga miyembro ng pamilyang Duterte at Marcos na tinatalakay sa impeachment trial.

Ipinahayag ito ni Cayetano sa ikalimang araw ng impeachment trial, kung saan sinabi ng testigong si dating National Bureau of Investigation Cybercrime Division chief Jeremy Lotoc na si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte ang unang gumamit ng salitang “Romanov” noong Enero 2024, ilang buwan bago pa madikit ang salitang iyon sa umano’y banta sa buhay ni Bise Presidente Sara Duterte.

Base umano sa imbestigasyon ng ahensya, sinabi ni Duterte kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang rally: “From now on, before you go to bed, think of the Romanovs, think of Benito Mussolini and his wife, think of what happened to you in 1986.”

Kung gayon, sabi ni Senator-Judge Panfilo Lacson, ang Operation Romanov ay hindi pala assassination threat sa Bise Presidente kundi “threat to the First Family.”

Pero giit ni Cayetano, dapat maging maingat ang mga senator-judge sa pagbuo ng ganoong konklusyon mula sa salita ni Mayor Duterte.

Aniya, tama lang na banggitin sa imbestigasyon ang pahayag ng Mayor dahil “relevant” ito sa kaso pero hindi ito pwedeng agad-agad tawaging “threat” nang hindi muna sinusuri ang konteksto at mga posibleng kahulugan nito.

“If he was making that threat na ‘maro-Romanov kayo,’ then the Presidential Security Command would’ve filed a case against Baste,” pahayag ni Cayetano.

“In the same manner that we have to be fair to the First Family, we have to be fair also to Mayor Baste and to the Dutertes,” dagdag niya.

Kung titingnan ang kasaysayan, naroon aniya ang posibilidad na nagbibigay lang ng “fair warning” si Mayor Duterte sa pamamagitan ng paghahambing sa pinagkaiba ng kinahinatnan ng pamilyang Romanov at mga Marcos.

“There’s a thin line between a warning and a threat,” punto niya.

“I’m not close to VP Sara. I’m not close to Mayor Baste,” aniya. “But my reading ng sinabi ni Mayor Baste is, ‘Pag natulog ka sa gabi, remember the Romanovs.’”

Ang mga Romanov ang huling imperial family na naghari noong Russian Revolution at kalauna’y pinatay matapos mapatalsik. Samantala, ang mga Marcos naman ay nagtungo sa exile sa Hawaii matapos mapatalsik noong 1986, at kalauna’y nakabalik pa sa Pilipinas.

Wika ni Cayetano, hindi pa rin naman malinaw kung iisang bagay lang ang tinutukoy ng naunang “Romanov” remark ni Baste at ng umano’y “Operation Romanov” laban sa Bise Presidente.

“For all we know, narinig ni Mayor Baste na sila ang iro-Romanov kaya binanggit niya pabalik. We don’t know,” sabi ni Cayetano.

“So let’s just be circumspect and careful from making conclusions,” dagdag niya. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here