MANILA, Philippines – Bumagsak sa mas mababa sa kritikal na lebel ang tubig sa Magat Dam nitong Miyerkules, Hulyo 15, sa 159.97 metro.
Ayon sa datos ng Isabela Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, nakita na ang lebel ng tubig ay bumaba ng 0.11 metro mula sa 160.08 metro nitong Martes.
Sa kabila nito ay iniulat ng Magat River Integrated Irrigation System (MARIIS) ang lebel ng tubig sa dam ay nakarekober sa critical 160-meter mark matapos tumaas ng 0.03 metro.
Bilang hydroelectric at irrigation facility, ang Magat Dam ay lumilikha ng 380 megawatts ng kuryente at irigasyon sa 90,000 ektarya ng sakahan sa Isabela, Cagayan at Quirino.
Noong nakaraang linggo, sinabi ng National Irrigation Administration-MARIIS na ang lebel ng tubig ay patuloy na bumababa dahil sa epekto ng El Niño.
Dahil dito, sinabi ng NIA-MARIIS na “irrigation water for farms is limited, and some agricultural lands will no longer be irrigated.”
Hinimok nito ang mga komunidad na may solar pump irrigation projects na gamitin ang kanilang sistema nang mas maayos.
“Let us share the available water so that more farms can benefit. If there are other available sources of water for irrigation, we encourage farmers to make use of them,” ayon sa NIA-MARIIS.
Inabisuhan din nito ang mga magsasaka na ipagpaliban muna ang farm work hanggang sa masiguro ang sapat na irrigation water “to avoid additional expenses and losses.”
Iginiit ng NIA-MARIIS na ang suplay ng tubig sa reservoir ay “limited” at ito ay patuloy na magpapatupad ng hakbang para pangasiwaan ang nalalabing irrigation supply. RNT/JGC