
INARESTO ng Aviation Security Group (ASG) ng Philippine National Police ang isang pasahero matapos ang kanyang pagbibiro ukol sa bomba na nagdulot ng mahigit dalawang oras na pagkaantala sa biyahe patungong Cebu nitong Mayo 25, 2025.
Kinilala ang suspek na si Leonardo Tugahan, 48 taong gulang, na lumabag sa Presidential Decree 1727 o ang Anti- Bomb Joke Law.
Ayon sa ulat, nagbiro si Tugahan tungkol sa bomba habang nasa Bay 126 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, ayon sa impormasyong natanggap ng Airport Police Department mula sa isang tauhan ng Aviation Operations Control Center.
Bunsod ng insidente, agad na inilipat ang lahat ng bagahe mula sa eroplano patungo sa ramp area kung saan isinagawa ng mga awtoridad ang paneling at inspeksyon sa mga bagahe ng mga pasahero ng Cebu Pacific flight 5J-571. Sa kabutihang-palad, walang natagpuang anomang uri ng pampasabog.
Muling nagpaalala ang mga otoridad na seryosong paglabag sa batas ang pagbibiro tungkol sa bomba, lalo na sa mga paliparan at pampublikong lugar, at maaaring magdulot ng pagkaantala, takot, at legal na pananagutan.
Alinsunod sa PD No. 1727, kabilang sa mga parusa sa pagbibiro at pagbibigay ng maling impormasyon ukol sa pampasabog, bomba o anomang banta sa seguridad ay pagkakulong ng anim na taon at isang araw hanggang labingdalawang taon o prison mayor, multang hindi hihigit sa Php 40,000, o pareho depende sa hatol ng Hukuman.
Saklaw ng kautusan ang anomang biro, pananakot, o pagbibigay ng maling impormasyon na may kaugnayan sa bomba o pampasabog sa pormang pasalita, nakasulat, o ipinadala sa pamamagitan ng text, email, o social media, lalo na kung nangyari sa mga pampublikong lugar gaya ng paliparan, paaralan, ospital, at iba pa.
Ang pagbibiro tungkol sa mga bomba o anomang banta sa kaligtasan ng eroplano ay napakaseryoso at maaaring humantong sa malubhang legal na kahihinatnan.
Narito ang ilang payo para sa sinomang isinasaalang-alang ang gayong mga biro:
– Ang pagbibiro tungkol sa mga bomba o pagbabanta sa mga eroplano ay maaaring ituring bilang isang kriminal na pagkakasala, kabilang ang paggawa ng mga maling pagbabanta at panic. Ito ay maaaring humantong sa pag-aresto, multa, at maging sa pagkakulong.
– Isipin ang magiging epekto – Ang mga ganitong biro ay maaaring magdulot ng pagkabalisa para sa mga pasahero at tripulante, at maaaring makagambala sa mga flight. Isaalang-alang ang emosyonal at sikolohikal na epekto sa iba.
– Maghanap ng Alternatibong Katatawanan – Maraming mga paksa na maaaring maging nakakatawa nang hindi nalalagay sa panganib ang sinoman o nagdudulot ng alarma. Tumutok sa magaan at ligtas na mga paksa.
– Pinakamainam na iwasan ang anomang mga biro na nauugnay sa mga bomba o pagbabanta sa anomang konteksto, lalo na sa mga sensitibong kapaligiran tulad ng mga eroplano.