MANILA, Philippines- Sumuko sa mga pulis ang tatlong indibidwal na wanted sa pagpatay sa isang 45-anyos na construction worker dahil sa nawawalang panabong na manok nitong May 26, base sa Rizal Police Provincial Office (Rizal PPO).
Tinukoy ang mga suspek na kinilalang sina “Rojim,”Jojo,” at “Tony,” bilang No. 2 most wanted persons sa city level.
Batay sa mga awtoridad, sumuko ang mga suspek sa Police Community Precinct 2, Antipolo Component City Police Station sa Sitio Langhaya sa Barangay Dela Paz.
Iprinisinta sa kanila ng mga awtoridad ang kanilang warrant of arrest para sa kasong murder, ipinalabas noong Nov. 14, 2024, walang inirekomendang piyansa.
Lumabas sa imbestigasyon na noong July 11, 2024, pwersahang binitbit ng mga suspek ang biktima sa Barangay Mayamot, kung saan kinompronta nila ito tungkol sa nawawalang mga manok. Doon din nila ito binugbog at sinaksak.
Dinala ang biktima sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center sa Marikina City kung saan siya idineklarang dead on arrival dahil sa mga tinamong sugat.
Isinailalim sina Rojim, Jojo, at Tony sa kustodiya ng Antipolo Component City Police Station. RNT/SA