Home METRO Checkpoint tinakbuhan, rider bumangga sa koste

Checkpoint tinakbuhan, rider bumangga sa koste

MANILA, Philippines – Bumangga sa isang nakaparadang sasakyan ang 27-anyos na rider nang takbuhan ang mga pulis na nagsasagawa ng checkpoint sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Wala namang pinsalang tinamo sa katawan si JC Val Enriquez, residente ng Santo Niño, Brgy. Concepcion, bagama’t nasira ang kotseng Suzuki Swift Hatchback na pag-aari ni Alfonso Hizon, 72, dating kawani ng pamahalaan, na binangga ng motorsiklong minamaneho ng ng suspek sa Flores St. Brgy. Flores.

Sa ulat ng pulisya, nagsasagawa ng checkpoint ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station-7 sa Brgy. Flores nang parahin ang suspek na nagmamaneho ng motorsiklong walang plaka dakong alas-12:40 ng madaling araw.

Sa halip na huminto, lalu pang binilisan ni Enriquez ang pagpapatakbo ng motorsiklo, na dahilan upang habulin siya nina P/Cpl. Agosto Bilalay at P/Cpl. Joe Christian Fiel.

Sa pagmamadaling tumakas, dito na nabangga ni Enriquez ang nakaparadang kotse at nang hanapan ng lisensiya at rehistro ng minamanehong motorsiklo, wala siyang maipakita na dahilan ng kanyang pagtakas.

Inimpound ng pulisya ang motorsiklo habang kasong disobedience to a person in authority, driving unregistered motorcycle, driving without license at reckless imprudence resulting in damage to property ang isinampa ng pulisya laban sa suspek sa piskalya ng Malabon. Boysan Buenaventura