Home NATIONWIDE CHED, Cagayan execs tatalupan na sa ‘degree for sale’

CHED, Cagayan execs tatalupan na sa ‘degree for sale’

MANILA, Philippines- Pormal nang inihain ni Gatchalian ang resolusyon upang siyasatin ng Senado ang kinauukulang opisyal ng Commission on Higher Education (CHED), local government units at pribadong pamantasan sa Cagayan hinggil sa “degree for sale na ibinebenta sa halagang P2 milyon kada Chinese students.

Sa paghahain ng Proposed Senate Resolution No. 1007, nais suriin ni Gatchalian ang katotohanan hinggil sa ibinulgar na isyu ni University of the Philippines professor Chester Cabalza hinggil sa degree for sale sa ilang pamantasan sa naturang lalawigan.

Ayon kay Cabalza, founding president ng think tank na International Development and Security Cooperation, hindi umano pumapasok sa klase ang ilan sa Chinese students dahil nagbabayad sila upang makakuha ng diploma.

Una nang inatasan ni Gatchalian ang CHED na imbestigahan ang isyu, ngunit hanggang sa isinusulat ang balitang ito, wala pang sapat na tugon ang ahensya kaya’t inihain na ang resolusyon.

Nanawagan naman ang Komisyon kay Cabalza na pormal na maghain ng reklamo bago simulan ng CHED ang kanilang imbestigasyon.

Hindi pa kasi nakatanggap ang Komisyon ng pormal na reklamo laban sa mga kolehiyo o pamantasan sa Cagayan.

Iginiit din ng senador na bagama’t suportado nito ang internationalization, tinututulan ng mambabatas ang anumang gawaing makasisira sa reputasyon ng kolehiyo at pamantasan sa bansa, lalo na kung makikilala ito bilang diploma mill.

“Bagama’t hinihikayat natin ang mga mag-aaral mula sa ibang bansa na mag-aral sa ating mga kolehiyo at pamantasan, hindi natin dapat palagpasin ang pagbebenta ng mga degree o diploma na dapat pinagpapaguran,” ani Gatchalian.

“Kailangang managot kung sinuman ang mapapatunayang sangkot sa pagbebenta ng diploma. Hindi ito ang isinusulong nating dekalidad na edukasyon sa bansa,” dagdag ng senador.

Nakabatay sa Executive Order No. 285, s. 2000 at sa Implementing Rules and Regulations nito, pati na rin sa Joint Memorandum Order No. 01, s. 2017 at sa Inter-Agency Committee on Foreign Students ang mga pamantayan sa pagpasok at pananatili ng mga dayuhang mag-aaral sa bansa. Ernie Reyes