VATICAN CITY — Nanawagan si Pope Leo XIV na ang paggamit ng atomic energy ay dapat manatili lamang para sa mapayapang layunin, kasabay ng paggunita sa ika-40 anibersaryo ng Chernobyl nuclear disaster at babala sa panganib ng mas makapangyarihang teknolohiya.
Sa kanyang pahayag matapos ang prayer service sa Vatican, sinabi ng 70-anyos na Santo Papa na ang pagsabog sa Chernobyl noong 1986 “marked the conscience of humanity” at “remains a warning of the risks inherent in the use of increasingly powerful technologies.”
“I hope that at all levels of decision-making, discernment and responsibility will always prevail, so that every use of atomic energy may be at the service of life and peace,” ani Pope Leo.
Ang Chernobyl disaster sa kasalukuyang Ukraine ay itinuturing na pinakamalalang civilian nuclear accident sa kasaysayan.
Ayon sa ulat ng United Nations noong 2005, tinatayang nasa 4,000 ang kumpirmado at posibleng bilang ng namatay dahil sa radiation exposure sa mga pinakaapektadong bansa, habang mas mataas naman ang tinatayang bilang ng ilang organisasyon. Humigit-kumulang 600,000 “liquidators” na lumahok sa cleanup operations ang nalantad sa matinding radiation. RNT