MANILA, Philippines – Ikinaalarma ng mga residente sa isla ng Pag-asa matapos na makita ang barko ng China na naglalayag malapit sa silangang baybayin ng Pag-asa Island sa West Philippine Sea (WPS) nitong nakaraang linggo.
Kinumpirma naman ng Philippine Coast Guard (PCG) na namataan ang isang Chinese Coast Guard (CCG) ang nakita malapit sa baybayin noong Lunes habang ang isang Chinese fishing militia boat ay nakita sa lugar noong Martes, Pebrero 9.
Ang mga barko ng China ay naglayag sa layong 3.2 nautical miles mula sa Pag-asa Island, dagdag pa ng PCG pero wala nang ibang mga detalye na ibinigay.
Ang nasabing insidente ay dumating ilang araw bago ang trilateral na pagpupulong sa Washington ng Pilipinas at mga kaalyado nitong Estados Unidos, at Japan.
Sa isang pahayag, muling iginiit ng China ang soberanya nito sa mga pinag-aagawang tubig.
Samantala, sinabi ng isang defense and security analyst na maaaring ito ang tugon ng Beijing sa darating na trilateral security meeting sa pagitan ng Pilipinas, US, at Japan.
“Magkakaroon ng deklarasyon para sa joint patrols ng tatlong miyembro ng trilateral alliance na ito. Malamang kasama doon ang patrol in terms of resupply at hanggang sa Pag-asa Island,” ani Renato de Castro. RNT