Home METRO 2 babae patay sa tumagilid na van

2 babae patay sa tumagilid na van

CORDOVA, Cebu-PATAY ang dalawang babaeng pasahero ng pampasaherong van matapos tumagilid sa kalsadang sakop ng Cebu–Cordova Link Expressway sa lungsod na ito nitong Sabado, Mayo 4.

Ayon kay PSSGT. Riche Abao, Traffic police investigator ng Cordova Police Station, namatay habang ginagamot sa ospital ang dalawang babae na hindi pa pinangalanan.

Batay sa report ng Cordova Police Station, bandang 2:30 PM nang maganap ang insidente sa nasabing lugar.

Sinabi ni Abao, minamaneho ni Christopher Dejeto Tuñacao, taga-Brgy. Tawason, Mandaue City, ang Nissan Urvan (V-hire).

Sakay ni Tuñacao ang 20 pasahero kabilang mga menor de edad galing terminal sa Barangay Babag, Lapu-Lapu City subalit pagsapit sa nasabing lugar ay bigla na lamang umusok ang van at tumagilid.

Mabilis naman rumesponde ang mga tauhan ng Lapu-Lapu City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) at dinala sa ospital ang mga biktima subalit hindi na rin naisalba ng mga doktor ang dalawang babae sanhi ng matinding pinsalang tinamo sa ulo at katawan.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente. Mary Anne Sapico