MANILA, Philippines – Namataan ang anim na Chinese Maritime militia vessels sa Rozul (Iroquois) Reef, habang mahigit 50 iba pa ang namonitor sa loob ng Pag-asa (Thitu) Island sa isang maritime domain awareness (MDA) flight na isinagawa ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Kalayaan Island Group sa West Philippine Sea (WPS).
Sa isang pahayag nitong Huwebes, sinabi ng PCG na nagsagawa sila ng MDA flight sa rehiyon, kasama ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), bilang tugon sa “dangerous flight maneuvers” ng isang People’s Liberation Army (PLA) Navy helicopter laban sa isang eroplano ng Pilipinas.
Ayon sa PCG, patuloy na hinamon ng BFAR aircraft ang iligal na presensya ng Chinese maritime forces sa ansabing mga lugar habang lumilipad.
“This mission also documented the unlawful activities conducted by the Chinese Coast Guard and Maritime Militia in the Kalayaan Island Group,” sabi ng PCG.
Idinagdag pa na nananatiling determinado ang BFAR at PCG sa pagpapanatili ng presensya sa West Philippine Sea at pagharap sa mga iligal na aktibidad ng mga dayuhang sasakyang pandagat. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)