Home NATIONWIDE China nagpakitang-gilas na naman! Nagpadala ng barko, fighter jets sa Taiwan

China nagpakitang-gilas na naman! Nagpadala ng barko, fighter jets sa Taiwan

MANILA, Philippines – Nagpadala na naman ang China ng navy ships at malaking grupo ng fighter jets malapit sa Taiwan, bilang bahagi ng pagyayabang nito at pananakot sa nasabing bansa.

Matatandaan na iginigiit ng China na pagmamay-ari nila ang Taiwan, at ang regular na pagpapadala ng mga eroplano sa nasabing bansa ay bahagi ng reaksyon nila sa political activities nito.

Sa nagdaang taon, nagpadala rin sila ng navy vessels at drone sa dagat na nakapalibot sa Taiwan.

Ayon sa Taiwan defense ministry, nagpadala ang Chinese People’s Liberation Army ng 33 warplanes at anim na navy vessels mula alas-6 ng umaga nitong Miyerkules, Agosto 9 hanggang alas-6 ng umaga nitong Huwebes, Agosto 10.

Lumipad sa midline patungong timog-kanluran ng Taiwan ang J-10 at J-16 fighter jets.

Sa naunang pahayag ng defense ministry, na-track ng Taiwan ang limang barko kasabay ng fighter jets.

Dagdag pa, gumamit ito ng land-based missile systems upang ma-track ang mga eroplano, kung saan 10 sa mga ito ang tumawid sa midline ng Taiwan Strait.

Ang Taiwan Strait ay itinuturing na “unofficial boundary” ng Taiwan at mainland China.

Bilang tugon sa lumalalang military pressure ng China, bibili ang Taiwan ng mga armas at fighter jets sa pagpapalakas ng depensa nito.

Noong Hulyo, inanunsyo ng US na nagbenta sila ng $345 million package sa Taiwan kabilang ang portable air defense systems, intelligence and surveillance capabilities, firearms at missiles. RNT/JGC