MANILA, Philippines- Kinasuhan na sa Makati prosecutor’s office ang isang Chinese at dalawang Pilipino na umano’y nagsasagawa ng espionage activities sa Pilipinas, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI).
Inaresto ng NBI si Deng Yuanqing at kanyang dalawang kasabwat noong Enero 17 dahil sa umano’y espionage.
Samantala, sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na iniutos ng korte na ilipat ang tatlong indibidwal sa Bureau of Jail Management and Penology mula sa NBI.
Itinanggi ng asawa at mga magulang ng Chinese ang mga paratang.
Samantala, sinabi ni anti-crime group Movement for Restoration of Peace and Order (MRPO) founding president Teresita Ang-See na nakipag-ugnayan siya sa isang eksperto na nagsabi sa kanya na ang mga umano’y kagamitan na nakita sa sasakyan ni Yuangin ay mga bagay na mabibili sa pamamagitan ng mga online shopping retailer.
Ito ay pinabulaanan ni Santiago, nagsabing kahit na ang commercial-grade CCTV equipment ay maaaring dalhin sa pamamagitan ng mga online retailer, ang nakuha ng mga awtoridad mula sa sasakyan ay military grade.
“‘Yan po ay military grade at hindi available sa Lazada at any market here in the Philippines,” sabi ni Santiago.
Giit pa ni Garcia, hindi totoo ang sinasabing commercial ang nakuha ng NBI na equipment sa mga suspek.
Pinabulaanan din ni Santiago ang pahayag ng kampo ni Deng na hindi siya nagtapos sa PLA University sa China.
Ipinakita ni Santiago ang dapat na profile ni Deng sa isang digital library, na nagsasaad na siya ay kaakibat ng PLA University of Science and Technology.
Sinabi naman ng Armed Forces of the Philippines na umaasa ang militar sa ebidensya sa pagsisiyasat nito sa umano’y Chinese spy matapos itinanggi ng kanyang asawa ang mga paratang. Jocelyn Tabangcura-Domenden