Home NATIONWIDE Comelec sa PNP: ‘Oplan Katok’ suspendihin

Comelec sa PNP: ‘Oplan Katok’ suspendihin

MANILA, Philippines- Hinimok ni Commission on Elections (Comelec) chairman George Garcia nitong Huwebes ang Philippine National Police (PNP) na suspendihin ang ‘Oplan Katok’ operations para sa May 2025 elections.

Ayon kay Garcia, paulit-ulit aniyang binigyang-diin na hindi ito pwersahan at kung pwedeng suspendihin ang pagpapatupad ng ‘Oplan Katok’ sa panahon lamang ng election period.

Ang “Oplan Katok” ay ang door-to-door campaign laban sa expired firearms.

Nauna nang sinabi ng PNP na hindi ito naglalayong manggulo o takutin ang sinuman sa gitna ng panahon ng eleksyon .

Gayunman, ipinunto ni Garcia na ang Oplan Katok ay maaaring magtanim ng takot sa mga botante at maaari ring magamit sa kalamangan ng ilang kandidato at nanunungkulan.

“Ito po ay para maiwasan ang kahit na anong issue ng natatakot ang mga botante o nagagamit itong offline katok para sa advantage ng ilang politiko, ilang kandidato, ilang incumbents,” sabi ni Garcia.

Noong Lunes, nanindigan si PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo sa pagsasabing ang operasyon ay “regular function” ng police body.

Lumabas sa datos ng PNP na 621,395 notice ang naibigay sa mga may-ari ng baril noong 2024. Sa bilang na ito, 16,473 ang nag-renew ng lisensya ng baril, at 10,676 na baril ang nai-turn over para sa safekeeping.

Noong Martes, nakatakdang pag-usapan ng Comelec at PNP ang mga isyu kaugnay ng Oplan Katok. Jocelyn Tabangcura-Domenden