MANILA, Philippines- Nadakip ng mga awtoridad ang isang Chinese na doktor na nagpapatakbo umano ng isang maliit na ospital sa isang condominium sa Barangay Tambo, Parañaque City.
Kinilala lamang ang doktor na si Dr. Lee, base sa ulat nitong Miyerkules.
Nagbebenta rin umano ang suspek ng mga gamot na hindi rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA).
Nahuli rin ang assistant ng doktor.
Natagpuan ng mga pulis ang mga hospital bed, mga gamot, at kagamitang ginagamit sa mga kritikal na operasyon sa loob ng unit.
Dalawa rin umanong pasyente ang nadatnan sa mini hospital na inilipat na sa lehitimong pagamutan.
Mahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa FDA Act of 2009 at sa Medical Act of 1959.
Hindi naman nagbigay ng pahayag ang doktor.
“Ito kasing condominium na ito, nakikita natin ito before na bahay ng mga nagtatrabaho or linked sa POGO na mga personal debt. Sa ngayon, alamin pa natin kung talagang ano ang lisensiya ng mga ito at ito ba ay may kuwalipikasyon na talagang maging doktor,” pahayag ni Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) chief Police Major General Nicolas Torre III. RNT/SA