MANILA, Philippines – Umalis na ang Chinese research vessel na namataang nagbababa ng equipment malapit sa Catanduanes noong Abril, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Sa Bagong Pilipinas Ngayon briefing, sinabi ni West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na sa ngayon, sa koordinasyon ng Armed Forces of the Philippines ay wala nang nakitang research vessel o namataan sa area ng Catanduanes o maging sa Northern Samar.
Huli aniyang naispatan noong Mayo 1 ang Shen Kho ayon kay Tarriela kung saan natuklasang nagbababa ng equipment sa lugar.
Nauna nang sinabi ng Philippine Navy na inaalam pa ng Philippine Navy ang equipment na ginamit ng barko.
Ayon sa PCG, umalis ang barko mula Shenzhen Port noong Abril 13 at dumaan sa Itbayat at basco Batanes noong Abril 22.
Lumipat ang barko patimog sa loob ng 11 nautical miles mula sa baybayin ng Mapanas, Northern Samar noong Abril 25 bago muling bumiyahe pahilaga hanggang sa makarating ito sa karagatan ng Catanduanes kung saan ito ay sinubaybayan ng AFP.
Sinabi ni Tarriela na hindi pa malinaw ang layunin ng barko na pumasok sa exclusive economic zone ng Pilipinas ngunit maaaring ito ay upang magsagawa ng isang hydrographic survey. Jocelyn Tabangcura-Domenden