MANILA, Philippines- Umakyat na ang bilang ng Chinese na namataan sa West Philippine Sea sa 190 mula 178 sa nakalipas na linggo, base sa Philippine Navy nitong Martes.
Nakita ang Chinese vessels na ito sa WPS mula Setyembre 30 hanggang Oktubre 6, base sa Philippine Navy.
Sa kabuuang bilang ng mga barko ng Chinese, 28 ang People’s Liberation Army Navy (PLAN) at China Coast Guard (CCG) vessels sa Ayungin Shoal, Escoda Shoal (Sabina Shoal), at Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal).
“Emphasis is given to these three features as they are very important in protecting our [exclusive economic zone],” pahayag ng Philippine Navy.
“Their continued illegal presence in the WPS blatantly disregards the 2016 Arbitral Tribunal ruling, violates our sovereignty and sovereign rights and highlights the need to modernize the defense and security capabilities of the AFP,” dagdag nito.
Sinabi ng Philippine Navy na pinananatili ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang commiytment nito sa pagpapairal ng international law at pagdepensa sa integridad ng teritoryo ng bansa.
Inaangkin ng Beijing ang halos kabuuan ng South China Sea kabilang ang mga parteng inaangkin din ng Pilipinas, Vietnam, Indonesia, Malaysia, at Brunei.
Noong 2016, pinaboran ng international arbitration tribunal sa Hague ang Pilipinas kaugnay ng pag-angkin ng China sa South China Sea, sinabing wala itong legal na basehan.
Patuloy naman ang pagbalewala ng China sa desisyong ito. RNT/SA