MANILA, Philippines- Ilang minuto bago matapos ang huling araw ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) sa satellite office ng Comelec sa SM Manila, naghain ng kandidatura ang mga kinatawan ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) sa pagka-alkalde at bise-alkalde ng kabisera ng bansa.
Pinangunahan ni Ramon Bagatsing III ang paghahain ng kandidatura bilang alkalde at ng kanyang running-mate na si Pablo Dario “Chikee” Ocampo na kandidato naman bilang bise-alkalde.
Matapos ang kanilang paghahain ay nanawagan ang mga ito sa mga Manilenyo na suportahan ang kanilang plataporma ng malinis, tapat, at makataong pamamahala.
“Ang layunin namin ay maibalik ang dangal ng Maynila bilang sentro ng oportunidad at progreso, isang lungsod na may pagmamahal sa bayan at disiplina sa pamumuno,” ani Bagatsing.
“Kami ay narito upang maglingkod na may malasakit at buong-pusong dedikasyon, na may takot sa Diyos at paggalang sa kapwa,” dagdag pa ni Bagatsing.
Kilala ang mga Bagatsing sa tapat na paglilingkod mula pa noong termino ng dating Manila Mayor Ramon D. Bagatsing Sr. na siyang pinakamatagal na naglingkod na alkalde sa lungsod.
Samantala, ipinagmalaki naman ng mga Ocampo ang kanilang makasaysayang kontribusyon sa paglilingkod sa publiko, partikular na ang yumaong Congressman Pablo Ocampo, ni Chikee Ocampo, at ang anim na terminong serbisyo ng kanyang kapatid na si Congresswoman Sandy Ocampo sa ika-6 na Distrito ng Maynila.
Samantala, naghain din ng kanilang COC bilang alkalde at bise alkalde ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila ang nagpakilalang kaalyado ni Pangulong Ferdinand “Bong-Bong” Marcos Jr. nitong nitong Martes sa satellite office ng Comelec sa SM Manila
Sa ilalim ng partidong Kilusang Bagong Lipunan (KBL) ay naghain ng kandidatura bilang alkalde si Mahra Lorraine Tamondong at ka tandem nito bilang bise alkalde na si Remedios Oyales.
Ayon kay Tamondong, isa sa kanyang adhikain sa oras na maging punong lungsod ay magkaroon ng sariling tahanan ang bawat Manilenyo.
Naghain din ang pamangkin ng kilalang dating Kongresista na si Cong. Atong Asilo, ng distrito uno na naglingkod ng tatlong termino, na si Michael John Asilo Pornilos para pagka-konsehal sa nabatid na distrito.
Ayon kay Pornilos, ipagpapatuloy nito ang halos dalawang dekadang pagseserbisyo publiko ng pamilya Asilo sa kanilang distrito.
Aniya, ang Tatak Asilo Libre Serbisyo ay muli nitong bubuhayin sa Tondo sa oras na manalo bilang konsehal sa darating na 2025 election. JR Reyes