MANILA, Philippines- Arestado ang limang Chinese nationals dahil sa hinihinalang pag-eespiya sa Palawan at sa Manila sa pamamagitan ng pagpapanggap na mga turista, ayon sa lokal na opisyal nitong Huwebes.
Nagpanggap na mga turistang Taiwanese ang mga hinihinalang espiya at naglagay ng CCTV cameras na nakaharap sa karagatan ng Palawan, ayon kay Provincial Board member Ryan Maminta.
“Yun po ang impormasyon na nakarating sa amin: na may mga aktibidad sila katulad ng pagkuha ng videos at hindi lang yun, paglalagay ng CCTV camera sa mga lugar. Tapos ang kanilang mga posing ay mga turista — hindi nga Chinese tourists — kundi Taiwanese tourist dito sa aming lalawigan,” pahayag ng opisyal sa isang panayam.
Nahuli rin ang isa sa mga suspek na kumukuha ng video ng mga barko ng Philippine Coast Guard, ayon sa National Bureau of Investigation nitong Miyerkules.
Kasunod ang pag-aresto sa pag-igting ng maritime confrontations sa pagitan ng Pilipinas at ng China, sa pinag-aagawang reefs at katubigan sa West Philippine Sea, sa mga nakalipas na buwan.
Inaangkin ng China ang malaking bahagi ng strategic waterway sa kabila ng international ruling na ang pag-angkin nito ay walang legal na basehan.
Sinisilip na umano kung may kinalaman ang bagong insidente sa Chinese software engineer na nahuli nitong buwan dahil sa umano’y pang-eespiya sa Filipino military at police camps. RNT/SA