Home METRO Chinese tiklo sa nakaw na sasakyan sa Pasay

Chinese tiklo sa nakaw na sasakyan sa Pasay

MANILA, Philippines- Nadakip ng mga tauhan ng Pasay City police Substation 1 ang isang Chinese national sa ikinasang follow-up operation kaugnay sa naiulat na nakaw na sasakyan nitong Biyernes, Agosto 23.

Kinilala ni Pasay City police officer-in-charge P/Col. Samuel Pabonita ang inarestong suspek na si alyas Sun, 28.

Base sa report na isinumite ni Pabonita sa Southern Police District (SPD), naganap ang pag-aresto sa suspect bandang ala-1:45 ng umaga sa loob ng isang impounding area na matatagpuan sa kahabaan ng J.W. Diokno Boulevard, Barangay 76 Zone 10, Pasay City.

Ayon kay Pabonita, naiulat na na-carnap ang isang kulay steel metallic na Honda Civic na may plakang NDK2939 bandang alas 7 ng gabi noong Agosto 9 na nakapark sa No. 8912 Basement Parking Area Slot BO26 sa Aseana 3, Barangay Tambo, Paranaque City.

Sinabi ni Pabonita na nang makatanggap ng impormasyon ang Substation 1 na nasa nabanggit na impounding area ang na-carnap na sasakyan ay agad na nagsagawa ang mga tauhan nito ng follow-up operation kung saan nagtangka png tumakas ang suspect ngunit agad itong nasukol ng mga operatiba.

Makaraan ang pagdakip sa suspek ay dinala ito sa Anti-Carnapping Unit (AnCar) kung saan ito ipiniit sa kanilang custodial facility.

Nahaharap sa kasong Republic Act 10883 o ang new anti-carnapping act of 2016 ang suspek sa Pasay City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan