Home NATIONWIDE Chiz nakipagkita kina Sotto, Lacson; humingi ng payo bilang lider ng Senado

Chiz nakipagkita kina Sotto, Lacson; humingi ng payo bilang lider ng Senado

MANILA, Philippines- Nakipagkita ni Senate President Francis “Chiz” Escudero kina dating Senate president Vicente “Tito” Sotto III at dating Senador Panfilo Lacson upang humingi ng payo ukol sa kanyang bagong posisyon bilang lider ng Senado.

“Nagkita kami, nag-lunch kami kahapon…Bilang paghingi ng payo… sa nauna sa akin bilang pagtanggap na hindi ko naman pwedeng hawak lahat ng kaalaman kaugnay ng pwestong hinahawakan ko ngayon,” ayon kay Escudero.

Ayon kay Escudero, ipinayo sa kanya ng dating mambabatas ang hinggil sa tungkuling pang-administratibo sa Senado.

“Marami sa administrative function sa Senado. Kino-quote pa ni Tito Sen si Tali, si senator Neptali Gonzales sa binigay raw sa kanya noon,” ayon kay Escudero.

Ibinahagi din ni Escudero ang kanilang kwentuhan sa panahon ng kanilang pagsaama sa Senado sa nakaraang ilang Kongreso.

“Naging maganda ‘yung pag-uusap namin, ‘ika nga maganda ring ma-reminisce ‘yung pagsasama namin noon na sana mangyari rin ulit sa hinaharap dahil sa napipinto nilang pagtakbo kung matutuloy,” aniya.

Nakatakda pang magpahayag nang personal ang dalawang dating mambabatas kung muling sasabak sa politika sa susunod na taon.

Kasabay nito, inihayag din ni Escudero na pumayag siyang makipagkita kay House Speaker Martin Romualdez sa susunod na linggo upang talakayin ang priority measures ng Kongreso bago maganap ang Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting sa June 25.

“Kagabi nagkita-kita kami. Nagkasundo kami na magkita next week. So mag-uusap ‘yung mga opisina naming para pag-usapan ang napipintong LEDAC sa June 25 at gayundin para pag-usapan ang pagbuo ng agenda ng Senado taking into account ‘yung agenda ng mga indibidwal na kongresista,” ani Escudero.

Aniya, bibigyan ng prayoridad ng Senado ang panukala na may malaking tiyansang maipasa ng dalawang Kapulungan ng Kongreso.

“Bakit sasayangin ng Kamara ang panahon nila sa isang bagay na hindi naman nais ng mayorya ng Senado? Bakit din naming sasayangin ang oras namin sa isang bagay na hindi naman gusto at nais ng Kamara? Mas nais naming pagtuunan ng pansin yung mga pwedeng pagkasunduan ng Kamara at Senado,” giit niya.

Inihayag din ni Escudero na nakatakdang talakayin nila ang Charter change at panukalang divorce. Ernie Reyes