Home NATIONWIDE DTI kinalampag sa pagtatakda ng price control sa pagsabog ng Mt. Kanlaon

DTI kinalampag sa pagtatakda ng price control sa pagsabog ng Mt. Kanlaon

(c) Remate News Central File Photo

MANILA, Philippines- Kinalampag ng isang senador ang Department of Trade and Industry (DTI) at iba pang kinauukulang ahensya ng pamahalaan na magpatupad kaagad ang price control sa ilang lugar sa Negros Island matapos sumabog ang Mount Kanlaon.

Hiniling ni Senador Lito Lapid sa pamahalaan na magpatupad ng price control sa Canlaon City matapos magbuga ng abo ang Mount Kanlaon sa Negros Island nitong Lunes.

Base sa pagtaya ng PHIVOLCS, sinabi ni Lapid na posibleng muling sumabog ang bulkang Kanlaon sa mga susunod na araw na itinaas na sa alert level 2.

Sa ilalim ng batas, sinabi ni Lapid na maaaring magpatupad ang lokal na pamahalaan ng price control upang hadlangan ang pagsasamantala ng abusado at tusong negosyante sa panahon ng kalamidad.

Kinatigan ni Lapid ang pahayag ni Canlaon City Mayor Batchuk Cardenas na magdedeklara sila ng state of calamity matapos sumabog ang bulkan.

“Kailangan ng ating mga apektadong kababayan ng kagyat na tulong sa pamamagitan ng mabilis na paglalabas ng sapat na pondo para sa kanilang pangangailangan, lalo na sa sektor ng kalusugan at agrikultura,” ayon sa Senador.

Kasunod nito, pinayuhan ni Lapid ang mga lokal na pamahalaan sa Negros Occidental na maghanda sa mas malalang sitwasyon kung patuloy sa pag-aalburuto ang bulkan dahil sa banta nito sa kalusugan at buhay ng mga tao.

Ayon kay Lapid, dating gobernador ng Pampanga, nang pumutok ang Mount Pinatubo noong June 15, 1991, kailangan ang pagtutulungan ng mga emergency response agency, hospitals, pharmacies at iba pang ahensya ng pamahalaan.

Nang pumutok ang bulkang Pinatubo, umabot sa 20,000 katao ang inilikas, 10,000 katao ang nawalan ng tahanan at 847 ang nasawi.

Naitala ng PHIVOLCS ang 43 volcanic earthquakes at namonitor ang paglabas ng 799 tonelada ng sulfuric acid dioxide na umabot hanggang sa limang kilometro ang taas.

Sa nasabing pagsabog, higit isang libong katao na ang inilikas mula sa limang barangay sa Canlaon City at iba pang kalapit bayan na naapektuhan nito.

Naranasan naman ang ashfall sa Bago City, La Carlota City, La Castellana, Negros Occidental at Canlaon City, Negros Oriental. Ernie Reyes