Home NATIONWIDE PCG: US magde-deploy ng mas maraming asset sa S. China Sea alinsunod...

PCG: US magde-deploy ng mas maraming asset sa S. China Sea alinsunod sa hiling ng PH

MANILA, Philippines- Nangako ang United States Coast Guard (USCG) na magpapadala ng assets sa South China Sea para suportahan ang Pilipinas sa pagtataguyod ng mga karapatan ng soberanya sa exclusive economic zone nito.

Sinabi ng PCG na ide-deploy ng USCG ang kanilang North Pacific Coast Guard kasunod ng mungkahi ni Admiral Ronnie Gil Gavan para sa “greater deployment” sa malaking karagatan upang tugunan ang nalalapit na banta habang ang China ay nakatakdang magpatupad ng bagong regulasyon ng pagpigil sa mga pinaghihinalaang paglabag sa kung ano ang itinuturing nitong maritime boundaries.

Iminungkahi ito hindi lamang sa USCG ngunit para sa Japan Coast Guard (JCG) sa International Institute for Strategic Studies Shangri-La Dialogue sa Singapore.

“I’d like to propose greater deployment in the high seas. We will do our part, but we also need you to be there to maintain rules-based order the way Coast Guards should play their role,” sabi ni Gavan.

“We know our limits, but we know we can do something to give time for our political leaders to do their part to keep the West Philippine Sea as free as it should be,” dagdag ni Gavan.

Sa kanyang bahagi, kinumpirma ni USCG Commandant Admiral Linda Fagan ang kanyang pakikipagpulong kay Gavan, gayundin kay JCG Vice Admiral Seguchi Yoshio, sa Singapore.

Binanggit niya ang “increasingly central geopolitical role” na ginagampanan ng maritime law enforcement agencies sa rehiyon ng Asia-Pacific.

Samantala, iminungkahi ng JCG, ayon sa PCG, ang pagsasagawa ng mas maraming palitan ng tauhan upang lumikha ng isang matatag na network ng coast guard counterparts sa pagtugis ng maritime law enforcement at rule of law.

Sinabi ng PCG na nakipagkasundo ito sa USCG at JCG na ituloy ang capacity-building initiatives para palakasin ang people-to-people relationship, mas mahusay na pagsabayin ang mga doktrina sa lupa, at bumuo ng tiwala sa isa’t isa.

Nitong Miyerkules,i niulat ng Philippine Navy ang pagdami ng bilang ng China’s People’s Liberation Army Navy (PLAN) vessels sa West Philippine Sea.

Sa kabuuan, 125 vessels and nasubaybayan sa West Philippine Sea mula Mayo 28 hanggang Hunyo 3. Kabilang dito ang siyam na China Coast Guard vessels, 11 PLAN vessels at 105 Chinese maritime militia vessels. Jocelyn Tabangcura-Domenden