MANILA, Philippines- Nagmistulang matinding sampal sa Philippine National Police (PNP) ang kabiguan na madakip si Kingdom of Jesus Christ (KJC) leader Apollo Quiboloy kahit may arrest warrant na ipinalabas ng korte, ayon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero nitong Huwebes.”
“Medyo nakakahiya na ang Philippine National Police dahil isa ito sa mga major na kaso na alam ng buong ng bansa at medyo sampal na sa kanila na hanggang ngayon ay hindi nila maipatupad yung warrant of arrest laban sa apat na tao dahil nakuha na yata yung isa,” ayon kay Escudero.
Iniutos ng dalawang korte sa Pasig at Davao City ang pagdakip kay Quiboloy kabilang ang lima pang indibidwal na kasabwat nito sa kasong sexual abuse, qualified human trafficking.
Ayon kay Escudero, mahigit anim na buwan na ang nakakalipas simula nang ipadakip ng Senado nitong Marso si Quiboloy at kasamahan matapos tumangging dumalo sa pagdinig ng Senate committee on women na nag-iimbestiga sa alegasyon ng sexual abue at human trafficking.
“Ang tanong ko, hinahanap ba talaga? Meron ba talagang galaw, hakbang at seryosong paghahanap dahil bakit siya nakuha sa bahay nya, na parang normal,” ayon kay Escudero.
Sa anim na indibidwal, isa lang ang naaresto ng PNP na si Paulena Canada, inaresto sa kanyang bahay sa Davao City noong Hulyo 11.
Pero, naniniwala pa rin si Escudero na maraming opisyal ng PNP ang ginagawa ang lahat upang maaresto si Quiboloy subalit masyado lang tumatagal.
“At kung seguridad ni Pastor ang kini-question nila e di paano na lang kung bawat may warrant of arrest ay sasabihin e magpapakita lang ako pag sigurado na ligtas ako. Mahirap ipatupad na ang ating justice system sa bansa kung mangyayari po yan,” ayon kay Escudero. Ernie Reyes