
HUNYO 30 ngayon at papasok na ang Senado at Kamara sa ika-20 Kongreso.
Pagdating ng alas-12:00 ng tanghali, matik na aalis ang mga natalo sa halalang Mayo 2025 at nag-graduate sa pwesto sa Kamara at Senado at papalitan sila ng mga nanalo.
Partikular sa Senado, uupo bilang bagong senador sina re-elected Senators Bong Go, Ronald ‘Bato” dela Rosa, Lito Lapid, Pia Cayetano at Imee Marcos at Senators Bam Aquino, Erwin Tulfo, Francis Pangilinan, Rodante Marcoleta, Ping Lacson, Tito Sotto, at Camille Villar.
Makakasama nila ang nanatiling senador na sina Senate President (SP) Chiz Escudero, Alan Peter Cayetano, JV Ejercito, Jinggoy Estrada, Sherwin Gatchalian, Loren Legarda, Robin Padilla at Risa Hontiveros.
Unang katanungan ngayon ang kung sino ang mananaig na SP sa magkaribal na sina ngayo’y SP Escudero at dating SP Sotto.
Kinakailangan lang ang 13 na senador na pumanig sa isa sa kanila para maging bagong SP…kung walang iba na makipagrarambulan sa pwesto.
Lumalabas na ang kasong impeachment ang isang kakabit sa agawan sa pwesto ng dalawa, lalo na kung ipagpapatuloy ito ng bagong Senado gaya nang kagustuhan naman nilang dalawa kaya magkakaroon muli ng bago ring Impeachment Court.
Habang tinitipa natin ito, pinakahuling akusasyon sa isa’t isa nina Escudero at Sotto ay may pinapanigan sa magkalabang partido sa impeachment na sina Vice President Sara Duterte at taga-Kamara.
Sa gitna nito, pareho naman silang nagsasabi na maging patas sila sa pagdinig sa kaso, kasama ang ibang mga senador.
Ano nga kaya ang mangyayari sa agawan sa pwesto at epekto nito sa paglilitis at paggawa ng desisyon sa kaso?
Ang nakikita natin, mga brad, hindi lang usapin ng mga ebidensya, batas at Konstitusyong 1987 ang pagbabatayan ng pagdedesisyon ng bagong Impeachment Court kundi ang halalang 2028.
Kaya magiging higit na pulitikal ang labanan dito at agawan sa pwesto sa 2028 ang maaaring pinakamahalaga na batayan ng pagpapasya.