MANILA, Philippines – Lubhang nababahala ang Commission on Human Rights (CHR) sa tumataas na insidente ng electoral offenses, kabilang ang red tagging at mga hindi magagandang pahayag sa campaign
sorties para sa Eleksyon 2025.
Dagdag pa ay ang pag-usbong ng deep fake na ginagamit sa red-tagging at pagpapakalat ng maling impormasyon.
Sinabi ng komisyon na nakatanggap ito ng ulat patungkol sa larawan ng mga tarpaulin ng ilang kandidato na may mga mensaheng laban sa progresibo at aktibistang grupo.
“The CHR strongly reminds the public, political candidates, and incumbent officials that red-tagging endangers a person’s rights to life, liberty, and security. Such acts undermine individual dignity and erode the very pillars of democratic engagement,” anang CHR.
Nabahala rin ang komisyon sa video kung saan nagbitiw ng hindi magandang biro ang isang kandidato laban sa mga single mom sa isang campaign event sa Pasig City.
“The Commission affirms that such behavior constitutes a violation of the Magna Carta of Women, and calls on the COMELEC to adopt a Code of Conduct for all electoral candidates,” ayon sa CHR.
Dahil dito ay nanawagan ang CHR sa mga awtoridad, partikular sa Comelec na aksyunan agad ang insidenteng ito.
“The Commission also takes this opportunity to remind both the public and candidates to ensure that electoral discourse remains inclusive, respectful, and free from discrimination, misogyny, and hate. Ultimately, Filipinos deserve a campaign environment that fosters informed, meaningful, and respectful conversations—allowing voters to choose their leaders wisely and freely,” sinabi ng CHR.
Noong nakaraang buwan ay naghain ang Makabayan bloc ng reklamo sa Comelec kaugnay sa umano’y harassment at red-tagging sa election campaign.
Ang kanilang reklamo ay ang insidente ng red-tagging ng Kabataan Partylist nominee sa social media, harassment sa nominee ng Gabriela Women’s Party at ang pag-aalis ng mga campaign material nito sa southern Luzon.
Samantala, nag-isyu na ang Comelec ng show cause order laban kay Atty. Christian Sia, tumatakbo bilang congressman ng lone district ng Pasig City, kaugnay sa biro nito sa mga single mom na maaari umanong sumiping ang mga ito sa kanya isang beses sa isang taon. RNT/JGC