Home NATIONWIDE CIDG humirit ng Interpol Red Notice vs Briton na sangkot sa milyones...

CIDG humirit ng Interpol Red Notice vs Briton na sangkot sa milyones na estafa case

MANILA, Philippines – Inendorso ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang liham na humihiling ng pagpapalabas ng Red Notice ng International Criminal Police Organization (Interpol) laban sa isang British national kaugnay ng multi-milyong pisong estafa na kaso na inihain laban sa kanya sa Pasay City court.

Ang Red Notice ay isang kahilingan sa mga tagapagpatupad ng batas sa buong mundo para hanapin at pansamantalang arestuhin ang isang tao habang nakabinbin ang extradition, pagsuko, o katulad na legal na aksyon.

Sa isang liham na iniharap kay Ambassador Anthony Alcantara, special envoy on Transnational Crime, sinabi ni CIDG director Police Brig. Gen. Nicolas Torre III na ang pagpapalabas ng Interpol Red Notice laban kay Lavish Mohan Paryani ay nakaayon sa iba’t ibang batas sa Pilipinas, kabilang ang Anti-Money Laundering Act at Human Security Act.

Ang mga batas na binanggit ni Torre sa liham ay nag-uutos sa internasyonal na kooperasyon na hulihin ang mga indibidwal na sangkot sa mga transnational na krimen na nakakaapekto sa mga entidad ng Pilipinas.

Ang endorsement letter ay batay sa kahilingan ng abogadong si Cecilio M. Jimeno Jr., na kumakatawan sa Rheana’s Trading Inc. kaugnay sa kasong estafa.

Kinasuhan ng Department of Justice sina Paryani at Reigna Reyes noong nakaraang buwan ng paglabag sa Article 315, Paragraph 2(D) ng Revised Penal Code (estafa). Ang kaso ay inihain sa Pasay Regional Trial Court na naglabas ng warrant of arrest noong Oktubre 11 laban sa mga akusado.

Nakaalis na ng bansa si Paryani bago inilabas ang arrest warrant noong nakaraang buwan habang ang warrant ay naihatid na kay Reyes.

Ang huling impormasyon ukol sa address ni Paryani ay nasa Porter Ranch, California, U.S.A. RNT