ISANG Karangalan na naman ang nadagdag sa umaalagwang tagumpay ng Criminal Investigation and Detection Group laban sa lawless elements na banta sa seguridad ng bansa.
Kung kamakailan ay grupo ng terorista ang nadali, ilang araw lang ang nakakaraan ay cigarette counterfeit at smuggling syndicate naman ang nabuwag ng ahensya.
Mahigit P2.4 bilyong manufacturing machines at pekeng sigarilyo ang nakumpiska ng CIDG sa isinagawang operasyon sa San Rafael, Bulacan at Valenzuela.
Kasama ang Bureau of Internal Revenue, nilusob ng CIDG – Anti-Fraud and Commercial Crime Unit ang planta ng pekeng sigarilyo sa bayan ng San Rafael noong Nobyembre 6.
Sa naturang operasyon ay nadakip si ‘Wu’, isang Chinese na bantay sa planta kung saan ay na-rescue rin ang 155 katao na nagtatrabaho sa naturang pagawaan.
Ang iligal na planta ay may kakayahang makagawa ng 12.9 milyong sigarilyo sa isang araw na nagkakahalaga ng mahigit kumulang P45 milyon.
Sa follow up operation sa Valenzuela ay nadakip sina ‘Yanilang’, ‘Rock’, ‘Zizhan’, ‘Zili’ at Ziquiang na pawang mga Chinese, ayon kay PBGen. Nicolas Torre lll, CIDG director.
Ayon pa sa hepe ng CIDG, nakumpiska sa kanila ang iba’t ibang pangalan at ‘di kilalang brand ng pekeng sigarilyo na nagkakahalaga ng tumataginting na P1.158 bilyon.
Kung nakagagawa ng halos 13 milyong piraso ng fake cigarettes na nagkakahalaga ng P45 milyon kada araw, aba’y bigtime syndicate ang natisod na ito ng CIDG.
Ang palaisipan dito, mga Chinese ang nagpapatakbo sa clandestine cigarette factory na ito kaya dapat magduda ang gobyerno sa discovery na ito ng awtoridad.
Siguro’y kailangan pang habaan at laliman ng premiere investigating body ng Philippine National Police ang pagsilip sa bagong achievement na ito.
Dahil, baka kasi another ‘POGO’ – like modus ito na ang utak ay mga Chinese syndicate na sa kalaunan ay tiyak na magiging problema ng Marcos administration.
Sa dami ng problema na kinakaharap ng bansa, tila walang karapatang magpahinga at kailangang ‘magtrabaho- to-the-max’ si Gen.Torre at ‘men and women’ ng CIDG.