Home NATIONWIDE Clearing operations umarangkada na sa Pasay

Clearing operations umarangkada na sa Pasay

MANILA, Philippines – Alinsunod sa ilalim ng programang Bagong Pilipinas: Kalinisan at Kaayusan ay nagpakita ng buong suporta ang lokal na pamahalaan ng Pasay sa pagpapaigting ng clearing operations sa pamamagitan ng paglilinis sa mga barangay sa lungsod.

 

Sa pamumuno ng iba’t ibang tanggapan at departamento na binuo ni Mayor Emi Calixto-Rubiano, ginalugad ng clearing team ang Barangay 55, 53, at 50 at sinigurong walang nakahambalang na obstruction sa mga daanan ng tao at daanan ng sasakyan.

 

“Ang paglilinis po sa ating mga komunidad ay isang palagiang programa ng lokal na pamahalaan, and this time since mayroon pong mahigpit na bilin ang ating Pangulong Bongbong Marcos, lalo pa nating pinalakas at pinaigting ang ating kampanya para malinis at maging kaaya-aya sa paningin at paninirahan ang ating lungsod,” ani Calixto-Rubiano.

 

Sinabi na Calixto-Rubiano na sa kanyang inilabas na direktiba ay nararapat na maging makatao ang pagsasagawa ng clearing operations kaugnay sa paglilinis sa mga bangketa, estero, komunidad gayundin sa mga pangunahing lansangan.

 

“Gusto naming ipatupad sa Pasay City ang isang ‘makataong’ clearing operation. Dito sa Pasay, hindi kailangan ng dahas at pwersahan sa paglilinis ng ating komunidad. Ito rin po ang direktiba ng ating Pangulo. Hindi po porket clearing operation ay magdudulot na ito ng pangamba at kaguluhan sa mga barangay. Kami po sa Pasay LGU, malinaw ang aking direktiba na gawing maayos at diplomatiko ang pakikipag-usap sa mga kababayan natin. Nauunawan natin ng lubos ang pangangailangan ng ating mga constituents na magkapag-hanapbuhay. Gagawin natin sa pinakamabilis, makatao, at seryoso ang paglilinis sa ating mga barangay,” ani pa Calixto-Rubiano.

 

Aniya, araw-araw ang gagawing pag-iikot ng clearing team kasama ang mga barangay officials at mga kagawad ng Pasay City Police upang paalalahanan ang mga residente para isaayos ang mga illegal parking, illegal terminals, mga sagabal sa bangketa, at mga ambulant vendors na nakakasikip sa trapiko.

 

“Gagawin po natin ng paulit-ulit. Aaraw-arawin po ng ating clearing team ang mga lumalabag sa kalinisan at kaayusan. Dito po sa amin sa Pasay, may disiplina at nagkakaisa para sa Bagong Pilipinas,” pagtatapos ng mayora. (James I. Catapusan)