Home NATIONWIDE Koneksiyon ni Bamban Mayor Guo sa kriminalidad, inilantad ni Hontiveros

Koneksiyon ni Bamban Mayor Guo sa kriminalidad, inilantad ni Hontiveros

Bukod sa hindi maipaliwanag na pagkakakilanlan bilang Filipino, ibinulgar ni Senador Risa Hontiveros ang mahigpit na koneksiyon ni Banbam Mayor Alice Guo sa kriminal dahil kasamahan nito bilang incorporator sa kanyang kompanya, ang Baofu Land Development, Inc.

“Ang daming red flag ni Mayor Alice Guo. Wala na ngang maayos na record sa Pilipinas, may mga koneksyon pa sa mga kriminal. Is this why she is able to afford her lavish lifestyle? Galing ba sa mga kriminal at pugante ang pambili niya ng chopper at luxury cars?” tanong ni Hontiveros.

“Given her connections to criminals, I welcome the DILG’s move to remove Mayor Guo’s power over the local police. Dapat wala nang access si Mayor sa ating kapulisan kung siya pala ay protektor din ng mga kriminal,” dagdag ng senador.

Natuklasan ni Hontiveros sa records ng Securities and Exchange Commission na nagtayo si Guo ng kompanya, ang Baofu na kasama siya bilang incorporator kabilang sina Filipino national Rachel Joan Malonzo Carreon, Cypriot national Zhiyang Huang, Chinese national Zhang Ruijin, at Dominican national Baoying Lin.

Ayon kay Hontiveros, nahatulan ang Chinese national na si Zhang Ruijin, sa kasong “largest money laundering case sa Singapore.”Nahaharap din ang Dominican national, Baoying Lin, ng kasong kriminal.

“According to a report by Channel News Asia, Zhang Ruijin has “$41 million in assets overseas, including shareholdings in a Philippine real estate development company,” ani Hontiveros.

“Ayon mismo kay Mayor, tinulungan daw siya ng mga kaibigan niya para makatakbo sa eleksyon nung 2022. Itong mga kriminal at puganteng kaibigan ba ang sinasabi niya?” tanong ni Hontiveros.

“Kahit pa sabihin niyang nag-divest na siya sa Baofu bago tumakbo, the fact remains: she has ties with these criminals. Kaya ba siya tumakbong Mayor para maprotektahan niya ang mga kaibigan niya? I am looking forward to our hearing on Wednesday. Sana naman may maalala na si Mayor,” giit pa ni Hontiveros. Ernie Reyes