Home OPINION COA MATAPANG NA KUMILOS VS ANOMALYA

COA MATAPANG NA KUMILOS VS ANOMALYA

308
0

ISANG malinaw na tagumpay laban sa katiwalian ang pagkasuspinde ng Ombudsman sa 16 na opisyal at kawani ng Department of Public Works and Highways–Bulacan First District Engineering Office.

Pero bago pa man ito nagkabisa, huwag nating kalimutan na nagsimula ang lahat sa masusing pagbabantay at pagtindig ng Commission on Audit sa pangunguna ni Chairman Gamaliel A. Cordoba.

Hindi biro ang ibinunyag ng Fraud Audit Reports na isinumite ni Cordoba noong Setyembre 8. Sa mga dokumentong ito, unang lumitaw ang iregularidad sa flood control projects na nagkakahalagang mahigit P345.8 milyon sa Calumpit at Baliuag, kapwa sa Bulacan. Kung hindi dahil sa tapang ng COA na busisiin at ilantad ang mga butas sa kontrata, baka hanggang ngayon ay patuloy pa ring dumadaloy ang pondo ng bayan sa bulsa ng iilan.

Ang mabilis na aksyon ng Ombudsman na nag-ugat sa ulat ng COA ay patunay na kapag may matibay na ebidensya, walang makapagtatago. Sinabi mismo ni Acting Ombudsman Dante F. Vargas, may sapat na batayan upang ituring na grave misconduct, serious dishonesty, at conduct prejudicial to the best interest of the service ang ginawa ng mga sangkot. Kung mananatili pa sila sa pwesto, tiyak na maaapektuhan ang imbestigasyon. Kaya tama lamang na sila’y alisin pansamantala.

Ngunit higit sa lahat, ipinakita ni Cordoba at ng COA na hindi sila natatakot bumangga sa mga tiwaling nakapwesto. Sa pamamagitan ng kanilang masusing pagsusuri, nasampahan ng kasong may ngipin ang mga opisyal na ito. Ipinakita nilang ang COA ay hindi lamang taga-audit kundi tunay na bantay ng kaban ng bayan.

Sa panahong maraming mamamayan ang nagdududa kung may saysay pa ba ang laban kontra katiwalian, ang kasong ito ay nagsisilbing paalala na may mga institusyong handang tumindig at magsiwalat ng katotohanan. Malinaw na mensahe ito: hindi pwedeng balewalain ang bawat pisong buwis ng taumbayan.

Kung marami pang Cordoba sa ating pamahalaan, tiyak na mas magiging mahirap para sa mga tiwali ang patuloy na pagsasamantala.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here