Home NATIONWIDE Cockpit transcript sa Jeju Air crash, malapit nang makumpleto

Cockpit transcript sa Jeju Air crash, malapit nang makumpleto

SOUTH KOREA – Malapit nang matapos ang transcript ng cockpit voice recorder mula sa bumagsak na eroplano ng Jeju Air sa Muan International Airport sa South Korea, na nagresulta sa 179 nasawi noong nakaraang linggo.

Sa naturang recording ay malalaman ang mga pinal na oras ng Jeju Air flight 2216 sakay ang 181 pasahero at crew mula sa Thailand patungong South Korea.

Sinisiyasat ng South Korean at US investigators, kabilang ang manufacturer ng eroplano na Boeing ang crash site para matukoy ang tiyak na sanhi ng crash.

“The transcript of the cockpit voice recorder (CVR) is expected to be completed today, and the flight data recorder (FDR) is in the process of being prepared for transport to the United States” saad sa pahayag ng land ministry ng South Korea.

Narekober ng mga imbestigador ang aircraft engine mula sa crash site ngayong linggo.

Sa kasalukuyan ay hindi pa tukoy ang sanhi ng pag-crash ng Boeing 737-800, bagamat ipinunto ng mga imbestigador na posibleng ito ay dahil sa bird crash, faulty landing gear, at runway barrier bilang posibleng mga isyu.

Ngayong linggo ay nagkasa ang mga awtoridad ng search at seizure operations sa Muan airport kung saan bumagsak ang eroplano, sa regional aviation office, at opisina ng Jeju Air sa Seoul.

Pinagbawalan din ang chief executive ng Jeju Air na si Kim E-bae sa pag-alis ng bansa habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. RNT/JGC