MANILA, Philippines – Pinatay ng hindi pa tukoy na mga armadong kalalakihan ang barangay chairman ng Maguindanao del Sur habang nasa loob ng mismong tirahan nito sa Datu Salibo, nitong Biyernes ng hapon, Enero 3.
Kinilala ni Lt. Victor Lim, hepe ng Datu Salibo Municipal Police Station, ang biktima na si Kameran M. Abubakar, kapitan ng Barangay Sambolawan, Datu Salibo.
Sa inisyal na imbestigasyon, nakita ang biktima na nasa loob ng kanyang tirahan sa Barangay Sambolawan nang dumating ang mga hindi kilalang lalaki at walang kaabog-abog itong binaril.
Nagtamo ng apat na tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Abubakar.
Agad itong isinugod sa ospital sa Tacurong City ngunit namatay din kalaunan.
Siya ang ikalawang opisyal ng barangay ng Datu Salibo na namatay dahil sa pamamaril sa nakalipas na limang araw.
Matatandaan na binaril-patay din ang barangay councilor na si Mandi Salandang ng Barangay Penditen, Datu Salibo ng hindi pa tukoy na mga lalaki noong Disyembre 29.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa dalawang pag-atake.
Samantala, si Abubakar at Salandang ang ikalima at ikaanim na elected officials sa Maguindanao del Sur na pinatay mula noong Abril 2024.
Tinutukoy pa ng mga awtoridad kung ang mga pag-atakeng ito ay may kinalaman sa paparating na halalan. RNT/JGC